446 total views
Nagsagawa ng relief operations ang social arm ng Archdiocese of Manila sa Diosdado P. Macapagal Elementary School para sa mga jeepney driver ng Tatalon, Quezon City.
Nabiyayaan ng tulong mula sa Caritas Manila ang mahigit sa 250 jeepney drivers ng Tatalon Araneta Jeepney Operators’ and Drivers Association at Tatalon Transport Service Multipurpose Cooperative na lubhang naapektuhan ng krisis na dala ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Fr. Anton CT. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, kanilang patuloy na pinag-aaralan ang kooperatiba na makatutulong sa mga jeepney drivers upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
“Pinapalakas natin ang kooperatiba para makapagbigay ng suporta sa mga jeepney drivers tulad nito na papalitan ang kanilang sasakyan,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Bahagi ng layunin ng pagbubuo ng kooperatiba ng Caritas Manila ay upang makatulong na makapag-ipon, makapag-loan at magkaroon ng modern jeepney na bahagi ng modernization program.
“Kasi kung kooperatiba ang itayo natin sila ang may ari nun. Kaya ang kita dun, babalik din sa kanila. Hindi tulad ‘pag nangutang sila sa bangko, ‘yung bangko ang kikita hindi sila.”pahayag ni Fr.Pascual
Samantala, ayon naman kay Caritas Manila Special operations head Fr. Moises Ciego, susunod namang tutulungan ng organisasyon ang mga jeepney driver sa may Diliman at Katipunan na pinili nang mamalimos dahil sa kakulangan at problema sa pamamasada.
Balak ng Caritas Manila na makapamahagi ng tulong sa 10-libong jeepney drivers sa Metro Manila na hirap pa ring makabawi dahil sa nararanasang pandemya.
Noong nakaraang taon ay nabigyan na ng ayuda ang mga jeepney drivers mula sa Tondo, Navotas, Taguig, Pasay at Caloocan City.