470 total views
Mga Kapanalig, bago pa man pumasok ang taóng 2017, sinabi na ng Department of Health o DOH ang plano nitong mamigay ng libreng condom sa mga mag-aaral sa senior high school. Paraan daw ito upang maiiwas ang mga kabataan sa HIV-AIDS at maagang pagbubuntis. Umani ang planong ito ng iba’t ibang reaksyon, ngunit walang naganap na maayos at matalinong debate upang suriin at linawin ang hakbang na ito ng kagawaran.
At mukhang wala nang makapipigil pa sa DOH dahil noong nakaraang linggo, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang isang executive order na layuning palakasin ang pagpapapatupad ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act o RPRH Law. Ang buong pamagat ng EO ay “Attaining and Sustaining Zero Unmet Need for Modern Family Planning Services through the Strict Implementation of the RPRH Act.” Inilabas ang kautusan sa kabila ng umiiral pa ring temporary restraining order na inilabas ng Korte Suprema sa ilang probisyon ng batas, partikular na ang pagbibigay ng mga contraceptive implants.
Paliwanag ng pinuno ng National Economic and Development Authority o NEDA na si Kalihim Ernesto Pernia, istratehiya ito ng pamahalaan upang maabot ang target na 14 percent poverty incidence bago matapos ang termino ng pangulo. Sasabayan umano ito ng pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho.
Maraming magkakaibang pananaw tungkol sa pagpapaigting ng pamahalaan ng patakaran nito patungkol sa pangangasiwa ng lumalaking populasyon ng ating bansa. Sa isang banda, maraming kababaihan ang nalalagay sa alanganin ang buhay dahil sa kumplikasyon sa pagdadalang-tao at maagang pagbubuntis, at ang nakikita ngang paraan ay ang pagbibigay sa kanila ng mga serbisyong makatutulong sa kanilang pangalagaan ang kanilang katawan. Sa kabilang banda naman, may mga nangangamba sa mas malalim na epekto ng pamamaraan at sa bitbit na mensahe ng pagpapalaganap ng modernong paraan ng pagpaplano ng pamilya, gaya na lamang ng pamimigay ng condom sa mga estudyante sa senior high school.
Mga Kapanalig, patuloy po nating subaybayan ang mga susunod na hakbang ng ating pamahalaan. Bantayan at pag-aralan natin ang bubuuing guidelines ng DOH at DepEd para sa isasagawa nilang sex education kasabay ng pamamahagi ng libreng condom. Habang may mga sektor at grupong masigasig na bubusisiin ang mga patakaran ng pamahalaan, huwag nating kalimutang malaking bahagi ng pagkatao ng mga kabataan ay hinuhubog sa ating mga tahanan. Ang kanilang pananaw tungkol sa pakikipag-relasyon at sekswalidad ay nakaugat sa kung paano sila pinalaki at ginabayan ng kanilang mga magulang at sa kung anu-anong kaisipan sila namulat habang sila ay lumalaki. Kaya’t ang isyu tungkol sa pamimigay ng libreng condom ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang balikan ang ating mga pamilya at intindihin kung nasaan ang ating mga anak ngayon.
Ipinapaalala sa atin ni Pope Francis, sa pamamagitan ng post-synodal apostolic exhortation na Amoris Laetitia, ang mahalagang tungkulin at bokasyon ng mga magulang. Aniya, malaki ang papel na ginagampanan ng mga magulang sa paghubog ng pagkatao ng kanilang mga anak—maaaring para sa kanilang ikabubuti, maaari rin namang para sa kanilang ikasasama. Sa madaling salita, lalakíng responsable ang mga bata kung responsable ang kanilang mga magulang. Mapapahamak ang mga bata kung walang pakialam sa kanila ang kanilang mga magulang.
Sa mga Kapanalig nating mga magulang, kumusta na po ba ang relasyon ninyo sa inyong mga anak? Anong uri ng ugnayan ang kanilang nabubuo sa kanilang mga kaibigan? Paano itinuturing ng inyong mga anak na lalaki ang mga kaedad nilang babae? Paano pakitunguhan ng inyong mga anak na babae ang mga kakilala nilang lalaki? Paano ninyo naiimpluwensyahan ang kanilang pananaw sa pakikipag-relasyon?
Ngayong may mga patakaran ang pamahalaang makaaapekto sa pagpapasya, kalusugan, at pagkatao ng ating mga anak, ang mga pamilya, higit kailanman, ay kailangang maging matatag at mapagmahal na sandalan ng kabataan.
Sumainyo ang katotohanan.






