199 total views
Apektado ng masamang panahon sa Visayas maging ang mga delegado at mga makikibahagi sa 4th World Apostolic Congress of Mercy o WACOM 4.
Si Cebu Auxiliary Bishop Oscar Florencio na siya sanang hahalili kay Palo Archbishop John Du sa isang programa sa University of Santo Tomas ay hindi na makakarating matapos itong ma-stranded sa Bantayan Island dahil sa kawalan ng biyahe pabalik ng Cebu ngayong araw.
Bagamat ikinalungkot ni Bishop Florencio ang hindi pagdalo sa WACOM 4 dahil sa masamang panahon ay ipinaabot naman nito ang mensahe ng pakikiisa sa mga makikibahagi sa nasabing pagtitipon.
Ayon kay Bishop Florencio, binabati niya ang lahat ng mga dumalo sa isang linggong pagtitipon at umaasa na sa bawat programa at pagbabahagi ng pananampalataya ay magiging puno ng kagalakan, pagkakaisa at aral mula sa awa ng Diyos.
“Unang una ipinaabot natin ang pagbati kanila Bishop Jose Oliveros (Malolos) at sa iba pa for spearheading itong WACOM4 ganun na din sa iba pang mga Diocese na paggaganapan nito, we are very happy and actually meron na kaming mga representatives na nandiyan. Im praying that the whole celebration would be fine, It’s a great opportunity to witness the Mercy of God kaya sa lahat im praying for you.”
Samantala, ilang mga lugar sa Cebu ang nakaranas na ng pagbaha dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Bishop Florencio panandalian namang gumanda ang panahon kahapon kasabay ng pagdiriwang ng Sinulog ngunit muli na naming naganap ang mga pag-ulan ngayong araw dahil upang ilang mga kabahayan ang lumubog sa baha at nasira.
Kasalukuyan naman nang kumikilos ang DRRM ng Archdiocese of Cebu upang magsagawa ng pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.