10,897 total views
Maraming residente sa Diocese ng Iligan sa Lanao Del Norte ang nakaranas ng pagbaha dahil sa ilang araw na walang tigil na pag-ulan.
Naitala ang pagkasira ng ilang mga tulay, mga poste ng kuryente at mga nasirang kabahayan dahil sa rumaragasang tubig galing sa mga ilog dahilan para magsilikas ang mga residente.
Batay sa monitoring ng Diocese ng Iligan, sa kasalukuyan ay humupa ng ang baha sa munisipalidad ng Kauswagan at inalis na din ang advisory sa bahagi ng lokal ng pamahalaan.
“So far po ang-drain na ang tubig baha. Natanggal na din ang advisory although we are still advised to remain vigilant dagil may ulan pa sa ngayon” mensahe ni Fe Salimbagon mula sa Social Action Center ng Diocese of Iligan.
Kasalukuyan pa rin ang ginagawang follow up sa mga Parokya na apektado ng pagbaha at inaalam ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
“So far meron po tayo relief operation sa Lord of the Holy Cross Parish sa Palao [Iligan City], nakikipag-ugnayan pa din po tayo sa iba pang parokya” dagdag na mensahe ni Salimbagon .
Magugunitang dahil sa matinding pag-ulan at mga insidente ng pagbaha ay nagdeklara kahapon ng pagpapatigil sa pasok sa eskwela at mga tanggapan ang lokal na pamahalaan ng Iligan City.
Sa isang panayam, sinabi ng alkalde ng Kauswagan na ang pagbaha ay resulta ng isinagawang road widening ng Department of Public works and Highways o DPWH kung saan nabarahan ang mga daluyan ng tubig.
Kasalukuyan din nakakaranas ng masamang panahon ang ilang alawigan sa Visayas region at Mindanao dahil sa epekto ng low pressure area.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ang Simbahang katolika sa adbokasiya na pangalagaan ang kalikasan upang makaiwas sa mga mapaminsalang kalamidad.
Kamakailan lamang ay naglabas ng pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP kung saan hinimok nito ang mga mananampalataya na isabuhay ang mga katuruan ng encyclical letter ni Pope Francis para sa kalikasan na Laudato Si.
Ngayon panahon ng kuwaresma, ginagawa din ng Simbahan ang programang Alay Kapwa na naglalayong makalikom ng pondo para maitulong sa mga nagiging biktima ng kalamidad.