202 total views
Nakikiramay ang Catholic Bishops Conference of the Philippines -Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples sa mga naulila ng isang Filipina na nasawi sa isang pananambang sa Mozambique, South Africa.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, maituturing na bayani ang nasawing Pinay teacher dahil pinaslang siya na nanglilingkod sa ibang bansa.
Hiling at panalangin din ni Bishop Santos sa embahada ng Pilipinas doon na agarang imbestigahan at papanagutin ang mga Renamo rebels na sangkot sa ambush para makamit ang katarungan.
“Una sa lahat ang ating iniisip palagi ay kapakanan ng kanyang naiwan na tulungan ng ating pamahalaan na ipagpatuloy ang mithiin ng ating kababayan sa kanyang mga naiwan sa buhay at bigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay. At tayo ay nanalangin na kung saan alam natin na siya ay namatay sa larangan ng paglilingkod at ito ay magiging daan na kung saan ay magiging susi at magiging dahilan na siya ay tatanggapin sa pintuan ng langit sa kalangitan at ito ay magiging mensahe na kung saan siya ay naglingkod. Ang kanyang buhay dito sa lupa ay ginugol para sa kabutihan ng kapwa,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na nangyari ang pananambang noong Linggo sa Murrotone malapit sa bayan ng Mocuba.
Sakay ang mga biktima ng isang passenger bus nang mangyari ang pag-atake.
Isa lamang ang nasawing Pilipinang guro sa Mozambique sa mahigit 15 milyon na mga overseas Filipino workers sa buong mundo na naiipit sa hidwaan at kaguluhan sa ibang bansa.