3,529 total views
Homiliya para sa Pyesta ng Birhen ng Kapayapaan Mission Station, Letre, Malabon city, Pebrero 25, 2025, Roma 8:28-30; Lucas 1, 26-38
Sana merong makapagkuwento kung bakit ang Kapilyang ito ay ipinangalan sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan, na mas kilala bilang ang “Birhen ng EDSA” at ipinagdiriwang bilang paggunita sa araw mismo ng pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas noong Feb 25, 1986, nang maganap sa EDSA ang tinatawag na “People Power Revolution”.
Isang maningning na sandali iyon ng kasaysayan ng ating bansa, na sa kasamaang palad ay nakakalimutan na ng maraming Pilipino. Pati nga ang dating pyesta Opisyal para gunitain ang araw na ito ay nawala na. Kung hindi man gunitain ng estado, patuloy itong gugunitain ng simbahan. Dahil kahit ang kasalukuyang gubyerno ngayon ay kumikilos sa otoridad ng Konstitusyon ng 1987, na ibinunga ng EDSA People Power na naging susi sa pagbabalik ng demokrasya, matapos ang 14 na taon ng diktadura.
Naganap ang sandaling ito sa EDSA noong nag-attempt ng isang kudeta ang RAM (Reformed Armed Forces of the Philippines) sa pamumuno nina Enrile at Ramos laban sa diktadura, pero nabuking sila at nagtago sa Camp Crame.Noong alam nilang wala na silang ligtas at lulusubin na sila ng militar na loyalist kay Marcos, nanawagan si Cardinal Sin para pumunta ang mga mamamayan sa EDSA at magdasal, para hindi matuloy ang madugong sagupaan. Magdasal para sa tulong ng Mahal na Birhen para malutas ang krisis ng gubyerno sa mapayapang paraan. At nagdagsaan ang mga Pilipino sa EDSA, humarap sa mga tangke, may dalang mga rosaryo, pagkain, bulaklak, habang nakikinig sa Radyo Veritas.
Maraming hindi nakakaalam na ang kalsadang pinangyarihan ng mapayapang rebolusyon noong Feb 22-25, 1986 ay ipinangalan kay Ginoong Epifanio de los Santos. Sino ba siya? Alam ba ninyo na siya ay isang bayaning isinilang at lumaki dito sa Malabon? Nag-aral siya sa mga Heswita ng Ateneo at mga Dominicans ng Santo Tomas at naging abugado. Isa siya sa mga matatalinong mga bayani ng unang Rebolusyon na nagtapos ng Gubyernong Kolonyal ng mga Kastila sa Pilipinas noong 1898. Naging miyembro siya ng Malolos Congress na nagbuo ng unang Konstitusyon na nagsilang ng demokrasya sa ating bansa, pero naudlot ang kalayaan na iyon dahil sa pananakop naman ng mga Amerikano.
Napakalaki ng iniambag ni Epifanio de los Santos sa pagtatatag ng pundasyon ng kasarinlan at demokrasya sa ating bansa, lubhang ipinangalan sa kanya ang buong kahabaan ng dating Highway 54. Talagang kalsada ito ng mga bayani kaya noong una ay tinawag din na “Avenida 19 de Junio”, ang birthday ng ating Pambansang Bayaning si Jose Rizal.
Hindi siguro aksidente na ang pangalan na pinangyarihan ng people power revolution na nagpabagsak sa dictatorship at nagpabalik sa demokrasya ay may ibig sabihin: “Epifanio de los Santos”, sa Ingles, “Epiphany of the Saints, sa Tagalog, ang “Pagpapakita ng mga Banal”. Noon naging malinaw sa atin na ang salitang banal at bayani, na ang kabanalan at kabayanihan ay laging magkaugnay. Ang kabanalang walang kabayanihan ay pagbabanal-banalan lamang. Ang pagpapakabanal na walang kabayanihan o walang kongkretong malasakit sa kapakanan ng bayan ay walang kinalaman sa Diyos. Kaya angkop na angkop ang pangalang ibinigay sa kalsadang ito, dahil ang mga nagpakita noon sa EDSA ay mga taong nagsantabi muna ng takot at ng pansariling kapakanan. Nagpakita sila ng lakas-ng-loob at tapang na humarap sa mga tangke at baril. Pero hindi pulitika o ideolohiya ang nagpalakas ng loob sa kanila kundi pananampalataya at pag-ibig sa bayan.
Nauso na noon ang “community pantry”—nagdala ng mga tubig at pagkain ang mga tao, ibinabahagi sa lahat, pati sa militar, walang itinuring na kalaban. Binigyan pa ng mga bulaklak ang mga sundalo at nagdasal sila ng rosaryo, kaya’t hindi nila mapaputok ang mga baril nila. Nangyari pa nga na hinagisan ng tear gas ang mga tao para i-disperse sila. Pero parang himala, pasalungat ang hangin at bumalik ang usok sa mga sundalo, na mabilis naman na tinulungan ng mga taong may dalang tuwalya at tubig na pantakip sa ilong at pamunas sa mata. Ready sila.
Higit sa lahat, ang simbolong nagpalakas ng loob ay ang Mahal na Birhen. Noong sandaling iyon parang isinuko na rin ng lahat ng dumagsa sa EDSA ang mga buhay nila. Alam nilang pwedeng ikamatay nila ang pagpunta nila doon. May nagsabing niyakap muna nang mahigpit ang asawa bago tumungo sa EDSA. May nagdala na ng buong pamilya, para kung mamamatay, sama-sama na.
Parang silang si Mama Mary na nagsabing: “Mangyari nawa sa amin ang iyong salita”. Di ba narakot din si Maria at nagtanong muna sa anghel kung paano ba siya magsisilang gayong siya’y dalaga? Parang Birhen din noon ang Bayang Pilipinas. Hindi makapaniwalang maisisilang ang demokrasya sa mapayapang paraan. Pero nanalig siya sa sinabi ng anghel, “Huwag kang matakot.” Gayundin sa pangako nito: “Sasaiyo ang Banal na Espiritu at lililiman ka ng kapangyarihan ng kataas-taasang Diyos… walang hindi mapangyayari ang Diyos.” Kaya sa kanya tayo humugot ng inspirasyon noon. Na ang imposible ay magiging posible. Sabi nga nila, THE REST IS HISTORY.
Kaya sayang naman kung makalimutan natin ang milagrong nangyari, kung hindi na ito ikwento ng mga magulang sa kanilang mga anak. Pwede bang sabihan noon ang mga Israelita matapos makatawid ng dagat na natuyo sa gitna, at nakalaya sa pagkaalipin, na huwag itong ikwento sa mga anak nila?
Ano ang mangyayari pag nakalimot na tayo? Uulit-ulit na lang natin ang kasaysayan, babalik lang tayo sa masaklap at madilim na kabanata ng ating buhay panlipunan. At gusto ba natin na sabihan tayo ng Diyos: “E kasi ang bilis ninyong makalimot.” Di ba may kasabihan tayo, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.” ?
Wala tayong ipamamanang kinabukasan sa susunod na henerasyon kung hindi natin maitaas at maimulat ang mga bata at kabataan tungkol sa kasaysayan. Kung hindi natin siryosohin ang kanilang edukasyon. Huwag natin silang hahayaang mabudol at mabiktima ng disinformation. Kung noon ang literacy programs ay may kinalaman lang sa pagtuturo ng pagsusulat at pagbabasa at pagbibilang 3rs, ngayon kailangan idagdag na rin natin ang digital literacy at matalinong paggamit ng artificial intelligence. Kung hindi baka magbaligtad—ang robot ay magiging parang tao, pero ang tao ay magiging parang puppet na lang. Gusto ba nating tumalino nga ang mga robot, mga tao naman ay mabobobo? Hindi lang impormasyon ang kailangan ng ating mga kabataan. Hindi sapat na ang edukasyon ay informative; kailangan din itong maging performative at transformative. Nagbabalita ng bago. Nagpapabago at nakapagbabago.
Kung ang nanay ni Hesus ang naging simbolo ng EDSA at nagdala ng kapayapaan, nanay din ang paborito nating larawan sa ating bayan: inang bayan. Nanay na pinagkakautangan natin at dapat mahalin, ayon sa panatang makabayan.
Alam ko, na may bagong version na ito sa mga eskwelahan. Pero sa mga medyo kaedad ko, mas malakas ang dating ng luma: PANATANG MAKABAYAN:
Iniibig ko ang Pilipinas,
Ito ang aking lupang sinilangan
Ito ang tahanan ng aking lahi.
Ako’y kanyang kinukupkop at tinutulungan
Upang maging malakas, maligaya, at kapaki-pakinabang.
Bilang ganti, diringgin ko ang payo ng aking mga magulang, susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan, tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan na masunurin sa batas, paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pag-iimbot at buong katapatan, sisikapin kong maging isang tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.