527 total views
Marami sa atin ang mababa ang kamalayan ukol sa uri ng serbisyong inaalay ng mga public health workers sa ating bansa. Ang ating mga barangay health workers, municipal, city at provincial health workers ay mga tahimik na lingkod bayan na araw araw humaharap sa tunay na pangangailangan ng ordinaryong mamamayan: ang ating kalusugan mula sa sinapupunan hanggang sa kamatayan.
Kapanalig, ang ating mga barangay health workers o BHWs ay kalimitang mga volunteer midwives na umiikot sa ating barangay upang mamonitor ang kalusugan ng ating mga kababayan upang mayakag silang makapunta sa ating mga health centers para sa magpakonsulta at makatanggap ng iba pang serbisyo nito. Sila din ang umiikot sa mga purok upang makakuha ng datos na nagiging batayan ng mahahalagang desisyon ng isang lokal na pamahalaan. Ito ay araw araw nilang gawain.
Marami rin sa mga nars at doktor naman sa ating mga health centers at rural health units ay dakila ring nagbibigay serbisyo sa ating mamamayan. Araw araw, sila ay tumatanggap ng mga daang daang pasyente, habang nagpapatakbo ng mga programa at administrative tasks na kaugnay sa operasyon ng mga health centers at rural health units.
Kapanalig, batay sa Health Service Delivery Profile Philippines, 2012 mula sa Word Health Organization at Department of Health (DOH), nakakaranas ng kakulangan ng mga health professionals ang ating bansa dahil sa migration ng maraming mga nars, doctor, dentist at therapists sa ibang bansa noong nakaraang dekada. Noong 2011, ang bilang ng mga PhilHealth accredited health professionals ay 10,773 general practitioners, 12,701 medical specialists, 201 dentists, at 522 midwives. Maraming mga malalayo at mahirap na abutin na lugar sa ating bansa ay kulang sa mga health professionals.
Kaya nga’t dapat bigyang pugay at suporta ang mga health professionals sa ating mga rural health centers at provincial healath offices. Kahit maliit ang sweldo, pinili nilang magtrabaho sa public health sector kung saan ngiti lamang ang maibabayad ng pasyente.
Kapanalig, isang pagkakataon upang makita at mabigyang halaga ang serbisyo ng public health workers ngayon ay ang mga insidente ng mga outbreaks. Ang mga propesyonal na ito ang siyang frotnliners ng bansa upang mawaksi ang sakit na maaring ikagupo ng maraming mamamayan. Ginagamit ng mga propesyonal na ito ang kanilang mga pinag-aralan at mga karanasan ng maaraming taon upang hindi na kumalat ang sakit, kahit pa sila mismo ay maaring maging bulnerable rin sa sakit. Ibayong dunong at tapang, kapanalig ang kanilang mga sandata.
Ang serbisyong kanilang binibigay ay pagsasabuhay ng Gospel of Life. Sa panahong nababalot ng kamatayan at dilim ang ating bayan, dapat mas palakasin natin ang ilaw ng mga lingkod bayan gaya ng marami nating mga health workers. Pag sa kanila tayo tumitingin, nabibigyan tayo ng pag-asa. Ang kanilang serbisyo ay tila alingangaw ng mga kataga mula sa Gadium et Spes: By their words and example and in union with religious and with the faithful, let them [the laity] show that the church with all its gifts is, by its presence alone, an inexhaustible source of all those virtues of which the modern world stands most in need.