214 total views
Binigyang diin ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na ang pagtupad sa mga nasasaad sa Laudato Si ang makapagliligtas sa mundo mula sa pagkasira ng kalikasan. Ayon sa Obispo, kinakailangang matutunan ng mga tao na kontrolin ang paggamit ng mga fossil fuels at labis na pagkakalat upang maiwasan ang pagkawala ng balanse sa kapaligiran at mapigilan ang unti-unting pagtaas ng temperature sa daigdig dulot ng Climate Change.
“Yung Laudato Si ay napakahalaga sapagkat ang sinisikap nito na mailigtas ang ating mundo, sapagkat sa kagagawan na rin ng mga tao ay nanganganib ang mundo. Alam n’yo naman na itong climate change ayon sa mga siyentista hindi naman po galing sa mga pari, kung hindi tayo magko-kontrol ng paggamit sa mga fossil fuels at pagdudumi sa mundong ito. Tayo ay babalikan at sa bandang huli tayo rin ang mahihirapan at maraming malilipol na mga bansa, mga tao,” pahayag ni Bishop Bacani.
Dagdag pa ng Obispo, kinakailangang pagsikapan ng tao na arugain ang kalikasan at magpakita ng pagmamahal sa nilikha upang bumalik ang kalinisan at kagandahan nito.
Samantala sa kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ng Panginoon kasabay ng ikalawang anibersaryo ng Laudato Si, hinimok ng Obispo ang mga mananampalataya na tularan ang ipinamalas na pagmamahal ng Panginoon sa sanlibutan at ang pangangalagang ibinigay nito sa kalikasan.
Binigyang diin ng Obispo na sa Corpus Christi ay ninanais ni Hesus na maging kadiwa ang mga tao upang ang bawat kilos nito ay kakikitaan ng pagmamahal at malasakit, at ang bawat mananampalataya ay makapamuhay ng may kabanalan tulad ng pamumuhay ni Hesus sa mundo.
Magugunitang Noong ika 24 ng Mayo 2015 nilagdaan ni Pope Francis ang encyclical na Laudato Si, at naisapubliko ito noong ika 18 ng Hunyo 2015.
Una itong nailathala sa mga wikang Italian, German, English, Spanish, French, Polish, Portuguese at Arabic. Samantala sa kasalukuyan, naisalin na rin sa Filipino ang aklat na Laudato Si na patungkol sa tamang pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang ikalawang encyclical na nilathala ni Pope Francis kasunod ng Lumen Fidei.
Sa ikalawang taong anibersaryo ng Laudato Si, lumagda sa isang pledge o pangako ang iba’t-ibang sektor sa bansa na isabuhay ang pangangalaga sa kalikasan.