286 total views
Mga Kapanalig, marami siguro sa atin ang gusto nang matapos ang taóng 2020 dahil na rin sa matitinding krisis at sakunang dinanas (at patuloy na dinaranas) ng ating bayan. Nagsimula ang taon sa pagputok ng Bulkang Taal at natapos sa pananalasa ng mga bagyo. At hindi pa rin natatapos ang COVID-19 pandemic. Malayo man ang kalagayan natin sa inilalarawan sa Ebanghelyo ni San Lucas tungkol sa sinapit ng Sodoma at Gomorra, para bang nababalot tayo ng dilim at kawalang-pag-asa.
Sa mga pangyayaring ito, ang mga mahihirap nating kapatid ang nakararanas ng pinakamatitinding epekto. At maraming datos ang nagpapatunay nito.
Ayon sa World Bank, dahil sa epekto ng pandemya sa ating ekonomiya, tinatayang 2.7 milyon ang madadagdag sa bilang ng mga Pilipinong mahirap. Sila ang mga kababayan nating ang kinikita sa isang araw ay katumbas o mas mababa pa sa itinakdang poverty line ng World Bank na 3.20 dolyar o 150 piso kada araw.[1] Kulang na kulang ang halagang ito upang matugunan ng isang pamilya ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Kaya naman, hindi na nakapagtatakang halos 9 sa 10 pamilyang Pilipino ang nag-aalala sa kanilang pampinansyal na kalagayan, ayon pa rin sa World Bank.[2]
Sa huling survey naman ng Social Weather Stations (o SWS), nasa apat na milyong pamilyang Pilipino ang nakaranas ng tinatawag na involuntary hunger. Mas mababa ito kaysa sa 7.6 milyong pamilya batay sa pagtataya ng SWS noong Setyembre, ngunit doble pa rin ito ng 2.1 milyong pamilya noong bago magsimula ang pandemya.[3] Sinabi pa ng SWS na 36% ng kanilang mga tinanong ang ibinilang ang kanilang sarili sa tinatawag na borderline poor. Ang mga nagsabing hindi sila mahirap ay bumaba sa 16% mula sa 23% noong 2019.[4]
Malaking hamon ang pag-ahon mula sa kahirapan at kagutuman hangga’t nagpapatuloy ang pandemya at hindi pa rin bumabalik ang mga nawalang hanapbuhay. Pinatintindi pa ang kalagayan natin ngayon ng hindi maayos na pamamalakad ng mga inaasahan nating mangunguna sa pagtugon sa ating mga kinakaharap na krisis at ng nagpapatuloy na katiwaliang dahilan ng kakulangan sa tulong at serbisyong dapat tanggapin ng mga pinakanaapektuhan ng mga kalamidad. At hangga’t nanatili tayong makasarili at hindi inaalala o isinasaalang-alang ang kapakanan ng ating kapwa, lalo na ng mga kapos sa buhay, mananatiling malawak ang agwat ng mayayaman at mahihirap sa ating bayan.
Hinihingi ng kasalukuyan nating kalagayan ang pagtangi sa mga dukha dahil sa bigat ng mga suliraning kanilang pinapasan, mga suliraning bunga ng pagkukulang natin bilang isang lipunan. Ito ang tinatawag nating preferential option for the poor, isang prinsipyo ng Catholic social teaching.[5] Hindi natin sinasabing kalimutan na natin ang mga hindi dukha o paglabanin ang mga mayayaman at mahihirap. Ang prinsipyong ito, na kaakibat ng ating pananampalatayang Kristiyano, ay hinihingi ang pagbibigay natin ng higit na pansin sa mga mahihirap at nasa laylayan ng ating lipunan at matagal nang biktima ng mga marahas na katotohanan sa buhay. At sa panahon natin ngayon, sila ang mga kababayan nating nagugutom, mga pamilya ng mga tsuper na hindi na makabalik sa lansangan, mga kapatid nating nawalan ng tahanan at kabuhayan sa sunud-sunod na kalamidad, at mga kababayan nating pinagkakaitan ng katarungan at maging ng buhay sa ngalan ng huwad na kaayusan.
Mga Kapanalig, gaya ng sinasabi sa Isaias 58:5-7, ang tunay na pagsamba sa Diyos ay ang pagkilos para sa katarungan at pagkalinga sa mahihirap at isinasantabi. Sa ating paghahanda sa pagdating ng Panginoon ngayong Kapaskuhan, nawa’y maituon din natin ang ating pansin sa ating kapwa, lalo na sa mga kapus-palad, at sa paggawa ng paraan, gaano man kaliit, upang makaambag sa kaginhawahan at kaligtasan ng sambayanan ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.