282 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mambabatas na huwag magpadalos-dalos sa paggawa ng mga batas.
Ito ang pahayag ni CBCP-vice president Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay na rin sa isinusulong na Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) bill sa Mababang Kapulungan.
Ayon sa obispo, mahalaga ang konsultasyon sa mamamayan at mapakinggan ang kanilang bahagi sa usapin.
“So if you are representing people, listen. Listen to your constituents and what they have to say abaout the issue. So a reason debate I think is very, very important on the matter,” ayon kay Bishop David.
Una na ring inihayag ni Senate President Vicente Sotto III na hindi papasa sa Mataas na Kapulungan ang SOGIE bill na nakatuon lamang sa mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer o LGBTQ community.
Paglilinaw ng mambabatas, maari pang ipasa ng senado ang anti-discrimation bill subalit hindi ang SOGIE bill kung saan nakapaloob din sa panukala ang same sex marriage.
Una na ring nanawagan si Senator Riza Hontiveros sa kagyat na pagpasa ng batas nang hindi pahintulutan gumamit ng palikuran ng babae ang isang transgender woman.
Una na ring nanindigan ang CBCP sa pagsuporta sa anti-discrimination bill at ang pagkilala sa mga gay at lesbian sa pantay na karapatan tulad ng karaniwang mamamayan.
Una na ring nagsagawa ng mga pagtalakay ang CBCP-Episcopal Commission on Family and Life na may temang COURAGEOUS LOVE: JOURNEYING TOWARDS CHRIST WITH PERSONS WHO EXPERIENCE SAME SEX ATTRACTION.
Ayon kay CBCP-ECFL chairman Lipa, Batangas Archbishop Gilbert Garcera ito ang bahagi ng simbahan para ipadama ang pagmamahal at kanilang maranasan na sila ay kabahagi at hindi malayo sa simbahan.