199 total views
Gamitin ang natutuhang kaalaman sa paaralan para kabutihan ng lipunan at paglilingkod sa kapwa.
Ito ang mensahe ni San Jose Bishop Roberto Mallari, Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) para sa mga kabataang magtatapos ngayong taon sa kanilang pag-aaral.
Ayon sa Obispo, mahalagang misyon ng mga kabataan ang makita ang mga kakulangan sa pamayanan at maging aktibo sa pagsusulong ng mga pag-unlad sa bayan gamit ang talento at karunungan.
“Make the most of what you achieve, what you have learned gamitin ito para sa kabutihan ng ating lipunan,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Bukod dito ay binigyang diin ni Bishop Mallari na mahalagang kilalanin ng bawat kabataan ang mga tulong na ipinagkakaloob habang naglalakbay sa pagkakamit ng tagumpay.
“Laging kilalanin ang tulong na ipinagkaloob sa atin at palaging magpapasalamat sa lahat ng bagay lalo na sa inspirasyon na ibinibigay sa atin ng Diyos, the grace of persevarance,” ani ng Obispo.
Paliwanag ni Bishop Mallari, marami ang hindi nakapagtapos ng pag-aaral bunsod ng iba’t ibang hamon kaya’t marapat na ipagpasalamat sa Diyos ang biyaya ng pagtitiyaga at pagsusumikap.
Aniya ang pagtatapos ng mga mag-aaral ay konkretong patunay sa katotohanan ng kasabihang ‘those who will endure in the end will be worthy of the kingdom.’
Binigyang diin ng opisyal ng CBCP, na ang pagtatapos ay hindi lamang pagpupunyagi ng mga mag-aaral kundi maging sa lahat ng mga nagtulong-tulong upang maabot ang tagumpay.
“Isang mahalagang okasyon, there’s a celebration of achievements, hindi lamang nang mga graduates natin kundi pati na po ang mga magulang, lahat ng mga nagsakripisyo para sa ganun ay marating nila itong graduation ng mga anak,” ani ni Bishop Mallari.
Aniya, dapat ugaliin ng mga kabataan ang pagpapasalamat sa lahat ng bagay na nakamit lalo na sa pagkilala sa tulong ng mga taong nagpahayag ng buong suporta para maabot ang pangarap sa buhay.
Sa pahayag noon ng Contact Center Association of the Philippines, higit sa 600, 000 ang bilang ng mga nagsisitapos kolehiyo bawat taon habang naitala naman ang higit isang milyon ang bilang ng mga nagtatapos ng Sekundarya.
Sa ensiklikal ni Pope Paul VI na ‘GRAVISSIMUM EDUCATIONIS o DECLARATION ON CHRISTIAN EDUCATION’ na nailathala noong 1965 binigyang diin dito na ang lahat ng mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, pananaw at lahi ay may karapatang makakuha ng sapat na edukasyon upang makamtan ng bawat indibidwal ang mga mithiin sa buhay.
Ang edukasyon din ay makatutulong sa pagpapalago, paghubog at paglinang sa karunungan ng tao.
Dahil dito, nagpaabot ng pagbati si Bishop Mallari sa mga magsisipagtapos ngayong taon at umaasang magiging mabuting halimbawa ito sa pamayanang kinabibilangan.