53,037 total views
Kung nais mo makita ang kinabukasan ng bansa, kapanalig, tingnan mo na lamang kung paano natin inaalagaan ang mga bata. Ito ang magtatakda ng direksyon ng ating bayan sa darating na panahon.
Ang mga bata ay kayamanan ng bawat lipunan. Sila ang magmamana at magpapatuloy ng ating mga adhikain at mithiin. Ipapasa natin sa kanila ang responsibilidad at obligasyon ng family building, community-building at nation-building. Nararapat lamang na sila’y ating pangalagaan at bigyan ng wastong edukasyon, kalusugan, at pag-aaruga. Dapat natin sila ihanda para sa hinaharap.
Ang edukasyon ay susi sa kanilang maunlad na kinabukasan. Sa pamamagitan ng edukasyon, nabibigyan natin sila ng sapat na kaalaman at kasanayan na kinakailangan upang harapin ang mga hamon ng buhay. Mahalaga ang pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon upang matiyak na ang mga bata ay handa sa kanilang magiging tungkulin sa lipunan. Ang gobyerno at pribadong sektor ay dapat magtulungan upang matiyak na lahat ng bata, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay, ay may access sa mataas na kalidad ng edukasyon. Nakakalungkot nga marinig ang huling update mula sa Program for International Student Assessment (PISA) na kulelat na naman ang Pilipinas. Pangalawa tayo sa huli sa 64 countries pagdating sa creative thinking skills.
Ang wastong kalusugan ay isa pang mahalagang bahagi ng pangangalaga sa mga bata. Ang malusog na katawan at kaisipan ay nagbibigay-daan sa mas mataas na antas ng pagkatuto at pag-unlad. Dapat tiyakin ng ating pamahalaan na ang bawat bata ay may access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng bakuna, nutrisyon, at mga programa sa kalinisan. Ang pagkakaroon ng maayos na serbisyong medikal at tamang nutrisyon ay nag-aambag sa pangkalahatang kalusugan ng ating mga kabataan. Maraming improvements pa ang kailangang gawin natin sa larangan na ito. Ayon sa United Nations noong 2023, mga 60,000 na bata ang namamatay kada taon dahil sa poor public services.
Pagdating sa pag-aaruga at tamang asal, ang mga magulang at tagapag-alaga ay may malaking papel sa paghubog ng kinabukasan ng mga bata. Ang tamang pag-aaruga, pagmamahal, at paggabay ay nagbibigay ng pundasyon para sa kanilang emosyonal at moral na pag-unlad. Ang pagtuturo ng tamang asal, paggalang sa kapwa, at pagmamahal sa bayan ay mahalaga upang lumaki silang mabuting mamamayan na may malasakit sa kanilang kapaligiran at kapwa. Ang nakakatakot kapanalig, kahit ano pa ang pagtuturo at pagbabantay ng magulang, kung napapaligiran naman siya ng fake news, mga pinunong garapal magnakaw at pumapatay, mga polisiyang baluktot at hindi makatao, malilito ang bata at manghihina mismo pati ang pundasyon ng pamilya. Sa kalaunan, baka gayahin na rin ito ng mga kabataan natin ang mga maling ginagawa sa lipunan.
Ang maayos na edukasyon, kalusugan, at tamang pag-aaruga ay mga susi sa isang maliwanag at maunlad na kinabukasan para sa ating bayan. Kaya’t sana’y ating pagtuunan ng pansin at aksyon ang pangangalaga sa mga bata ngayon upang makamit ang isang mas maganda at mas matagumpay na kinabukasan para sa lahat.
Sabi sa Gaudium et Spes, kapanalig, ang tao, bata man o matanda, ay may dignidad at karapatan. Dahil sa dignidad na ito, dapat may access ang mga bata sa lahat ng kanilang pangangailangan para sa tunay na makatao, makabuluhan, at makatarungang buhay. Paalala rin ng Caritas in Veritate ni Pope Benedict 16th, the entire human family must find the resources to live with dignity, through the help of nature itself — God’s gift to his children — and through hard work and creativity. At the same time we must recognize our grave duty to hand the earth on to future generations in such a condition that they too can worthily inhabit it and continue to cultivate it.
Sumainyo ang Katotohanan.