Mga Kapanalig, sa gitna ng laban ng buong mundo laban sa COVID-19, pumutok muli ang hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine noong ikalawang linggo ng Mayo. Umabot sa halos 200 katao ang namatay sa Gaza Strip, kabilang na ang 55 batang Palestino at dalawang batang Israeli. Matapos ang 11 araw ng karahasan, nagkaroon ng ceasefire sa pagitan ng dalawang grupo alang-alang sa buhay ng mga sibilyan sa dalawang magkatunggaling bayan.
Paano nga ba nagsimula ang hidwaang ito?
Isandaang taon na ang nakakalipas, matapos ang unang digmaang pandaigdig o World War I, mauugat ang hidwaan sa pagitan ng mga Hudyo at mga Palestino (na karamihan ay Arab). Ninais noon ng United Kingdom o Britanya na ibigay ang lupaing bahagi ng kanilang kolonya na tinitirhan ng mga Palestino sa mga Hudyo upang magkaroon sila ng sariling lupain. Kung susumahin, ang hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine ay mula sa kagustuhan ng mga Hudyo na magkaroon ng tahanang matatawag nilang kanila at sa pagtatanggol naman ng mga Palestino sa lupaing itinuring na nilang tahanan.
Sa paglikas ng mga Hudyo sa Europa sa kalupitan ng Holocaust noong ikawalang digmaang pandaigdig o World War II, lalong tumindi ang paghahanap ng tahanan ng mga Hudyo kasabay ng lumalalim na hidwaan sa pagitan nila at ng mga Palestino. Taóng 1947 nang nagdesisyon ang United Nations na hatiin ang noo’y Palestine sa dalawang bansa: isa para sa mga Hudyo (ngayon ay Israel) at ang isa ay ang Palestine. Samantala, ang Jerusalem ay itinuring na “international city” na hindi bahagi ng alinman sa dalawang bansa. Hindi nagtagumpay ang planong ito, at sa halip ay nauwi sa digmaan sa pagitan ng dalawang bayan. Nagkaroon din ng armadong grupo na kung tawagin ay Hamas sa hanay ng mga Palestino, at ngayon ngang Mayo ay nagsimulang maglaban ang mga militar ng Israel at ang armadong grupo.
Sa gitna ng marahas na alitan sa pagitan ng dalawang grupo ay nagpahayag si Pope Francis ng pagkabahala. Umapela siyang tigilan na ang karahasan at sa halip ay tahakin ang daan tungo sa kapayapaan. Sabi pa ng Santo Papa, terible at hindi katanggap-tanggap na naiipit at nasasawi ang mga batang walang kamuwang-muwang. Ang tanong niya: Saan tayo dadalhin ng galit at paghihiganti? Maitatatag ba ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagwasak sa isa’t isa?
Marami sa mga wala sa Israel at Palestine, katulad nating mga nasa Pilipinas, ang hindi alam kung kanino papanig o kung anong marapat na gagawin upang may maimbag sa pagtigil sa karahasan doon. Marapat nating tandaan: hindi lamang sila mga dayuhang nasa Israel o Palestine, sila ay ating kapwa, mga kapatid. At iyan ang binibigyang-diin sa atin ng Santo Papa sa kaniyang encyclical na Fratelli Tutti: lahat tayo ay magkakapatid. Noong 2017, sinabi na ng Santo Papa na ang pagkikipagdayalogo bilang bahagi ng peace process ay mahalagang hakbang tungo sa kapayapaan. Sa Fratelli Tutti, sinabi rin niyang sa pakikipagdayalogo at mahinahong pag-uusap, kinakailangang kilalanin natin ang ating sariling identidad at maging bukás tayo sa sa isa’t isang may pinanggalingan, pagkamamamayan, at kulturang pinagmulan. Katulad ng mga Israeli at mga Palestino na may kani-kanilang identidad, ang pagkilala sa isa’t isa ay mahalaga upang makapag-usap at maging tunay ang dayalogo.
Mga Kapanalig, wala tayong dapat panigan sa mga naghahasik ng karahasan. Ang kapayapaan ang dapat nating panigan. Sa hidwaang ito sa pagitan ng Israel at Palestine, nawa’y mangibabaw sa kanila ang pakikipagkapwa. Sabi nga sa Roma 14:19, “Kaya’t lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa’t isa.” Ipagdasal natin ang pamamayani ng kapayapaan sa bahaging iyon ng mundo.






