319 total views
Ito ang mensahe ni Baguio Bishop Victor Bendico kaugnay sa patuloy na paggunita ng simbahan sa Laudato Si Week 2021.
Ayon kay Bishop Bendico, ang kalikasan ay isang magandang biyaya ng Poong Maylikha para sa sangkatauhan na nagsisilbing tahanang nararapat lamang na bigyan ng higit na atensyon.
Iginiit ng Obispo na walang karapatan ang sinumang sirain ang lahat ng likas na yamang nilikha ng Diyos, dahil ito’y hindi lamang isang handog kundi kayamanang dapat na pakaingatan at pangalagaan.
“God has gifted us with the immeasurable richness of His creation. We do not have the right to [be] abusers of His created gifts. It would be an injustice to those who gave us those gifts freely and out of His goodness,” bahagi ng mensahe ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na dahil sa nakasisilaw na kapangyarihan ng pera at pagiging makasarili, nakakalimutan na ng mga taong isipin ang tunay na halaga at naidudulot ng kalikasan sa sangkatauhan.
Dahil din sa mapanirang gawain ng mga tao na nagaganap sa ating kapaligiran, unti-unti nang nawawalan ng pag-asa ang susunod na henerasyon na makita ang tunay na hitsura at ganda ng ating inang kalikasan.
“We have become lords and masters of the earth plundering her at will. We have become so selfish thinking only of personal gains and cash while not minding the generations to come,” saad ng Obispo.
Sa kabilang banda, hinihikayat ni Bishop Bendico ang bawat mananampalataya at makakalikasan na maging mapagmatyag laban sa mga nang-aabuso sa likas na yaman ng mundo.
Ito’y upang higit na maipakita ang pagmamalasakit at pagtatanggol sa ating inang kalikasan na kailangang pangalagaan para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
Kaugnay nito’y hinihimok din ng Kanyang Kabanalan Francisco ang lahat ng mga bansa, mayaman man o mahirap na magtulong-tulong upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng mundo.
Iginiit ng Santo Papa na kapag nagpatuloy ang pagkasira ng kalikasan ay babalik din sa tao ang mga paghihirap dahil sa mga sakunang maidudulot nito.