Mga Kapanalig, bilang mga mananampalataya, tayo ay inuudyukang “ipagtanggol… ang mga ‘di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan… at igawad ang katarungan sa api at mahirap,” gaya ng sabi sa Mga Kawikaan 31:8-9.
Ano ang itsura nito sa araw-araw?
Makikita ito sa mga estudyanteng pinoprotektahan ang kanilang kaklase mula sa mga bully, sa mga mamimiling ipinagtatanggol ang kaherang pinagagalitan at sinisigawan ng kapwa-mamimili, at sa mga abogadong libreng ipinaglalaban sa korte ang mahirap nilang kliyente.
May naiisip ba kayong ibang halimbawa?
Sa ating sistema ng pulitika, mayroon ding mekanismong itinatag upang mapakinggan ang mga isinasantabi at hindi napakikinggan. Sa bisa ng Party-List System Act of 1995, maaaring maghalal ng mga party-list representatives sa Kongreso upang kumatawan sa mga sektor na marginalized at underrepresented sectors. Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng boses sa paggawa ng mga batas.
Bawat eleksyon, maaaring pumili ng isang party-list ang mga botante. Ang bawat mananalong party-list ay maaaring makapagpasok sa Kongreso ng isa hanggang tatlong kinatawan, depende sa dami ng boto na natanggap nila. Ngayong darating na eleksyon, bawat botante ay makaboboto muli ng isa sa 156 na party-list organizations.
Pero sa ulat ng poll watchdog na Kontra Daya na inilabas noong nakaraang linggo, higit kalahati sa mga tumatakbo sa party-list ay hindi tunay na kumakatawan sa mga marginalized at underrepresented sectors. Nasa 40 ang konektado sa political dynasties, 25 naman sa malalaking negosyo, at 18 naman sa pulisyá at militar. May nakabinbin namang kaso ng corruption ang kinatawan ng pitong grupo. Kahina-hinala naman daw ang adbokasiya ng labing-isang grupo. Ayon pa sa Kontra Daya, sa mga party-list groups na nangunguna sa mga election surveys, pito ang konektado sa mga political dynasties, malalaking negosyo, at pulisyá o militar.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin ang preferential option for the poor o ang pagkiling sa mahihirap. Sa tingin ninyo, mga Kapanalig, indikasyon ba ang lumabas sa ulat ng Kontra Daya ng prinsipyong ito?
Ayon naman sa Center for People Empowerment and Governance (o CENPEG), ang hindi pagpigil sa pagtakbo at ang pagkapanalo ng mga indibidwal at grupong hindi tunay na kumakatawan sa mga isinasantabi at hindi napakikinggan ay lalong magpapatibay ng tinatawag na elite dominance sa pulitika ng bansa. Sa pamamayagpag ng mga maimpluwensya, mayayaman, at prominenteng tao, pamilya, o grupo, liliit ang espasyo kung saan mapakikinggan ang mga ‘ika nga’y nasa laylayan ng lipunan.
Ang pagkapanalo ng mga indibidwal o grupong hindi naman tunay na kabilang sa o kaisa ng mga marginalized at underrepresented sectors ay hindi malayong humantong sa pagsusulong ng interes ng iilan, hindi ang interes ng mahihirap. Hindi maitataguyod ang karapatan ng mga kababayan nating nasa laylayan, at lalong hindi maigagawad ang katarungan sa kanila kung hindi sila mapakikinggan at patuloy lamang na mangunguna ang mayayaman at mga makapangyarihan.
Mga Kapanalig, tungkulin ng pamahalaang tiyaking istrikto at maayos na naipatutupad ang batas sa party-list system para tunay na nairerepresenta ang mahihirap. Magkaroon din dapat ng kahihiyan ang mga tumatakbong hindi naman tunay na kumakatawan sa mga marginalized at underrepresented sectors. Sa parte naman ng mga botante, suriin natin ang iboboto nating party-list pati na ang kanilang mga nominees. Tandaan, isang party-list group lamang ang dapat nating iboto kaya’t huwag natin itong sasayangin. Sa ganitong paraan, maipakikita ng bawat isa sa atin ang ating pagmamahal at pakikiisa sa mga isinasantabi at hindi napakikinggan.
Sumainyo ang katotohanan.






