11,834 total views
Nanawagan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng pananalangin para sa tuluyang paggaling ng Kanyang Kabanalan Francisco matapos na maospital noong February 14, 2025.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Youth chairman Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon, mahalaga ang sama-samang pananalangin ng bawat mananampalataya para sa kagalingan ng punong pastol ng Simbahan.
Partikular na nanawagan ang Arsobispo sa mga kabataan upang ipanalangin ang patuloy na kalakasan at kabutihan ng pangangatawan ni Pope Francis.
“Panawagan rin sa lahat lalo na sa mga kabataan na ipanalangin si Pope Francis bilang namumuno sa ating na pastol ng universal church na sana bigyan siya ng lakas, lakas, wisdom, the determination para patuloy na magabayan niya tayo sa patuloy ding pagbabago ng Simbahan as an institutional church.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Arsobispo, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ni Pope Francis para sa pagsasakatuparan ng pagbabago sa buong mundo na sinisimulan ng Santo Papa sa mismong loob ng Simbahan partikular na loob ng curia.
Pagbabahagi ni Archbishop Alarcon nawa ay magkaisa ang lahat ng mga Katoliko sa pananalangin para sa tuluyang paggaling at panunumbalik ng lakas ng Santo Papa na kanyang kakailangan para sa patuloy na pagpapastol sa kawan ng Panginoon.
“Napakahalaga yung ginagawa niya, siya ay nananawagan ng pagbabago sa buong mundo, sa ating lahat pero sinisimulan niya ito sa loob sa curia, sa Simbahan at ipinapakita niya yung courage na yun. Sana magdasal po tayo, sabay-sabay tayong manalangin at ng sa gayun ay mabigyan si Pope Francis ng lakas na kailangan niya sa patuloy na pagpapastol sa atin.” Dagdag pa ni Archbishop Alarcon.
Kaugnay nito unang inihayag ng Holy See Press Office ang patuloy na pagbuti ng kalagayan ng Kanyang Kabanalan Francisco matapos na maospital noong araw ng Biyernes.
Ayon sa Vatican, patuloy ang mga pagsusuring isinasagawa sa Santo Papa kasabay patuloy na gamutan matapos siyang makaranas ng bronchitis.
Sa isinapublikong impormasyon ng Holy See Press Office ay inihayag nito ang magandang resulta ng mga test na isinagawa sa Santo Papa na indikasyon ng unti-unting pagbuti ng kanyang kalusugan.
Sinabi ng Vatican na dinala ang 88-taong gulang na Santo Papa sa Agostino Gemelli Polyclinic sa Roma upang masuri at maipagpatuloy ang gamutan matapos na makaranas ng bronchitis.
Pagbabahagi ng Vatican, kinakailangan pang dumaan ni Pope Francis sa ilan pang mga serye ng diagnostic tests upang matiyak ang kanyang kalusugan at pangangatawan.
Matatandaang dahil rin sa pagkakasakit noong Disyembre ng taong 2023 ay napilitan rin ang Santo Papa na kanselahin ang kanyang nakatakda sanang pakikibahagi sa COP28 Climate Summit sa United Arab Emirates.