333 total views
Buhay na patotoo ang isang pari na dating drug dependent na may bagong buhay matapos ang droga.
Ayon kay Fr. Roberto “Bobby” dela Cruz, priest in-charge, Restorative Justice Ministry ng Caritas Manila sa Archdiocese of Manila, bagama’t tinanggihan na siya ng tao at ng lipunan, ang kanyang ina at ang Diyos ang naging susi sa kanyang pagbabagong buhay.
“Ni-reject ka na ng lahat, may pagbabago matapos ang droga so saan pa pupunta ang tao, wala silang solusyon, ang tao hangga’t di kumakapit sa Diyos, kailangan niya ng pupuno sa kanya what is lacking on him, ni reject ka ng lahat so saan ka pa pupunta kundi sa Diyos, hangga’t di ka kakapit sa Diyos, walang ibang makakapagpuno noon kundi ang Diyos,” pahayag ni Fr. Dela Cruz sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
1970’s nang malulong sa ipinagbabawal na gamot si Fr. Dela Cruz at nakapagbagong buhay nang magtungo siya sa isang Simbahan sa Quezon City kung saan siya nakinig ng preaching kaugnay ng pagpapatawad at pagkatanggap ng Panginoon sa mga makasalanan.
“Frustrated na ako dahil hindi ko naman gusto yung ganung buhay na pinag-uusapan ka wala kang peace of mind at walang magandang kinabukasan, surrender na ako so habang inaayos ang papel ko pa-abroad, nagpunta ako sa Simbahan sa St. Paul sa Timog, eh may evangelization dun may binigay sakin na stampita na larawan ni Mama Mary at batang si Jesus, naupo ako dun yun dun na nag-umpisa, nakinig na ako sa preach… na pinapatawad ako ng Diyos, may tumatanggap sa akin, naghahanap ako ng solusyon may liwanag akong nakita dito, that day tinigil ko lahat, dati di ako nakikinig sa tao, that time nakinig ako sa Diyos, pagkatapos ng evangelization, na-involved ako sa community until now andun ako,” pahayag ni Fr. Dela Cruz.
Dito na rin nagsimula ang kanyang pagbabago hanggang sa siya ay magpari.
“Napakabilis ng pangyayari, iniisip ko ano pede kong gawin sa Panginoon, sobrang pasasalamat ko kaya gusto kong ibigay sarili ko sa Diyos, since binata ako so naisip ko kailangan ng pari that time kulang na, kaya yun,” ayon pa kay Fr. Dela Cruz.
Sa latest record ng Philippine National Police, mahigit sa kalahating milyon na ang drug surrenderees sa buong bansa mula nang maluklok sa puwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte.