225 total views
Mariing kinundena ng Diyosesis ng Bacolod ang mga karahasan at pagpaslang na nagaganap sa bansa.
Sa pahayag na inilabas ng Diyosesis, iginiit nitong walang puwang ang kahit na anong uri ng karahasan sa lipunan lalo na sa Kristiyanong komunidad.
Ang pahayag ni Bacolod Bishop Patricio Buzon ay kaugnay sa pagpaslang sa negosyanteng si Alex Yap Yao na binaril sa loob ng compound ng Our Lady of Perpetual Help Shrine noong ika – 19 ng Pebrero habang sakay ng kaniyang sasakyan pauwi mula sa isang prayer meeting ng Simbahan.
“The killing of Mr. Alex Yap Yao on the night of February 19, 2019 inside the compound of the Our Lady of Perpetual Help Shrine (Redemptorist Church) is a deplorable act. It is an act of violence that has no place in Christian communities, more so, in our society that upholds the principles of law and order.” pahayag ng Diyosesis.
Iginiit ng Obispo na tuluyang pagbalewala sa batas at turo ng Kristiyanong pamayanan ang mga pagpaslang na nangyayari sa bansa.
Batay sa tala ng iba’t-ibang organisasyon, higit 20,000 katao na ang nasawi mula taong 2016 kung saan karamihan dito ay isinasangkot sa mga iligal na gawain particular na sa droga.
Dahil dito, panawagan ng Diyosesis ng Bacolod sa pamahalaan na bigyan ng kagyat na resolusyon ang nasabing insidente upang makamit ang katarungan ng biktima at mapanagot sa batas ang salarin.
Ang panawagan ay hindi lamang sa katarungan ni Yao kundi maging sa lahat ng biktima ng karahasan at kawalang katarungan sa ating bayan.
Sa ensiklikal ni Pope Paul VI na Humanae Vitae binibigyang diin dito ang kahalagahan ng pangangalaga sa buhay ng tao na templo ng Panginoon at pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan.