207,707 total views
Mga Kapanalig, ang Ebanghelyo sa Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ay madalas ginagamit na paalala tungkol sa paglalaan ng panahon para sa pakikinig sa Diyos (sa pamamagitan ng pagdarasal) sa gitna ng pagiging abalá natin sa araw-araw.
Sa Lucas 10:38-42, matutunghayan natin si Santa Marta na abaláng-abalá sa pag-aasikaso kay Hesus na bumisita sa kanilang tahanan. Mababasa pa natin: “Lumapit siya kay Hesus at sinabi: ‘Panginoon, hindi ba mahalaga sa iyo na iwanan ako ng aking kapatid na naglilingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.’ Sumagot si Hesus at sinabi sa kanya: Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag sa maraming mga bagay. Mayroong isang kinakailangan at pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi makukuha sa kanya.”
Paanyaya ang pagbasang ito sa atin para bigyan ng puwang ang Panginoon sa ating buhay. Sapat na para sa Diyos ang anumang maibibigay natin sa Kanya. Ang mga laging nag-aalalá at nababalisâ ay tinatawag na umupo at mamahinga kasama Niya. Sa ganitong paraan, maririnig natin ang Kanyang mga salita at mararamdaman natin ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga.
Ngunit nakalulungkot na sa isang viral na video ng isa kong kabaro—isang pari—sinamahan ang mensaheng ito ng tila paghamak sa isang grupo o sektor. Kumalat kamakailan ang bahagi ng video ng pagninilay ng pari kung saan sinabi niyang kung tayo ay laging parang si Santa Marta, “wala tayong pinagkaiba sa mga social workers at NGO, gawa nang gawa pero walang puso.”
Napakabigat ng mga salitang ito; masakit pakinggan, kung hindi man nakagagalit. Kaya kasama ako sa mga buong kababaang-loob na humihingi ng paumanhin sa ating mga kapatid na naglilingkod sa mga NGO (o non-government organizations) at sa mga social workers. Binabalewala ng ganitong mga salita ang malaking kontribusyon ng mga NGO at social workers, hindi lamang sa pagpapabuti sa ating lipunan sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga dukha at mahihina. Bulag ang ganitong mga salita sa katotohanang katuwang sila ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, ng pagsasakatuparan ng pangakong pagliligtas ng Diyos sa lahat.
Kung hindi magiging mapanuri ang mga tagapakinig ng pagninilay na iyon, iisipin nilang lahat ng nasa mga NGO at mga social workers ay “walang puso.” Hindi ito totoo sa nakararami sa mga nasa sektor na ito. Bagamat hindi perpekto katulad ng ibang institusyon o larangan (na nasasangkot din sa katiwalian at umaabuso sa kanilang kapwa), hindi natin maikakaila ang malaki at mahalagang trabaho ng mga NGO at social workers. Hindi na nga kalakihan ang suweldong tinatanggap ng mga NGO workers at social workers at marami pang walang benepisyo dahil kapos din ang mga opisina nila, sila ang pumupuno sa mga pagkukulang ng gobyerno at maging ng Simbahan. Sila ang madalas lapitan ng mga inaapi, inaabuso, inaagawan ng lupa, pinalalayas sa kanilang tirahan, may malubhang sakit, at iba pang nangangailangan ng tulong. Sigurado rin akong marami sa mga nasa NGO at nagtatrabaho bilang social worker ay nasa larangang ito dahil sila ay may puso at tunay na isinasabuhay ang kanilang pananampalataya.
Minsan nang sinabi ni Pope Francis na ang Simbahan ay may dakila at magandang responsabilidad na panatilihing buháy ang ating pananampalataya. Ito ang katawan ni Kristo at ang sambayanan ng Diyos, hindi isang organisasyon, hindi isang NGO. Ito ang mismong dahilan kung bakit nakikipagtulungan ang Simbahan sa mga NGO at sa mga social workers para maabot ang mga maliliit, inaapi, at mahihina. Napakalaki ng pasasalamat ng Simbahan sa kanila.
Mga Kapanalig, humingi na ng paumanhin ang pari at tiniyak na may aral siyang natutunan sa nangyari. Hindi na ito dapat maulit.
Sumainyo ang katotohanan.