354 total views
May 30, 2020-10:42am
Ang paggunita sa Dakilang Kapistahan ng Pagbaba ng Espiritu Santo o Pentekostes ay isang paalala na ang Diyos ay palaging nasa piling ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ito ang ibinahagi ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista–chairman, CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa paggunita ng Pentecost Sunday, bukas ika-31 ng Mayo.
Paliwanag ng Obispo, sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay patuloy ang paggabay at pagpatnubay ng Diyos sa bawat isa na nagsisilbing tagapag-tanggol, lakas at katatagan sa pagharap sa mga hamon ng buhay tulad ng kinahaharap ng buong daigdig na krisi dulot ng pandemya na Coronavirus Disease 2019.
“Ipinapaalala sa atin ng kapistahan na ito na ang Diyos ay kapiling natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, siya ang gabay, siya ang patnubay, siya ang tagapagtanggol, siya ang pinagmumulan ng lahat ng mga lakas natin para sa pagharap ng hamon sa buhay na ito lalo na ngayong panahon ng health crisis dulot ng COVID-19,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Evangelista sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon pa sa Obispo, ang pagbaba rin ng Espiritu Santo ang siyang pinagmumulan ng kakayahan at abilidad na dapat gamitin ng bawat isa upang makatulong sa kapwa lalu na higit na mga nangangailangan.
Giit ni Bishop Evangelista, ang mga handog na ito ay dapat na ibahagi sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Ang pagbaba ng Espiritu Santo ay pagpapaalaala din sa ating lahat na tayo ay palagi may maaasahang lakas at tulong mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang Espiritu Santo rin ang pinagmumulan ng ating mga talent, charisms, gifts na tinatawag na dapat nating gamitin para tulungan ang iba,” dagdag pa ng Obispo.
Ang Dakilang Kapistahan ng Pentekostes na pagdiriwang sa pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostoles ay ginugunita limampung araw o ikapitong Linggo makaraan ang muling pagkabuhay ni Hesuskristo na siya ring hudyat ng pagtatapos ng Easter Season o Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Sa araw na ito ay ginugunita rin ang pagsilang ng Simbahan.