303 total views
Mga Kapanalig, isang malaking dagok para sa ating kapulisan ang pagpatay sa isang negosyanteng South Korean sa loob mismo ng headquarters ng PNP sa Kampo Crame. Naganap ito sa gitna ng wala pa ring patumanggang giyera ng administrasyon kontra iligal na droga. Tinaguriang “tokhang for ransom” ang krimen dahil ginamit ang Oplan Tokhang upang dukutin ang negosyante at kikilan ang kanyang pamilya.
Madalas ipagmalaki ng ating pamahalaan ang “tagumpay” nito sa pagsugpo sa problema ng droga sa pamamagitan ng paglalabas ng bilang ng mga sumuko, ng mga inaresto, at ng mga napapatay sa mga operasyon ng mga pulis. Kitang-kita ang sigasig ng ating mga pulis sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel. Malakas din ang loob ng ating mga pulis dahil sa “all-out support” na ibinigay sa kanila ni Pangulong Duterte, na nangakong iaabswelto sila sakaling makapatay sila sa ngalan ng giyera kontra droga. At ilang beses na ngang ipinagtanggol ng pangulo ang mga pulis, gaya na lamang noong patayin sa piitan ang isang mayor na umano’y drug lord; pansamantala inalis sa serbisyo ang mga sangkot na pulis ngunit wala silang natanggap na maaanghang na salita mula sa pangulo.
May mga nagsasabing ang krimen sa Krame ay bahagi ng paninira sa PNP at sa ating pangulo, bagama’t walang inilalabas na ebidensya upang patunayan ito. Ang malinaw, mga Kapanalig, ay nagpapatuloy pa rin ang mga baluktot na gawaing kinasasangkutan ng mga pulis na inatasan ng tungkuling tiyakin ang kaligtasan ng lahat at panatilihin ang kaayusan sa ating paligid. Nakalulungkot na ang mga taong dapat lumalaban sa kriminalidad ay sangkot mga gawaing labag sa batas at lumalapastangan sa buhay ng tao. At hindi natin maiiwasang isipin na dahil sa suporta ng pangulo sa kanila, malakas ang loob ng ilang pulis na lusutan ang batas. (Babantayan natin sa mga susunod na araw kung ano ang kahahantungan ng mga pulis na mapatutunayang may kinalaman sa krimen sa Krame.)
Ang mga iskandalong kinasasangkutan ng mga pulis gaya ng “tokhang for ransom” ay matingkad na halimbawa ng kung paano ang mga bunga ng personal na kasalanan (o personal sin) ay humahantong sa pagiging mga istruktura ng kasalanan (o structures of sin). Ayon sa apostolic exhortation na Reconciliatio et Paenitentia, nagagawa ng isang taong pag-ugnay-ugnayin at pagsama-samahin ang kanyang mga makasalanang gawain hanggang sa umabot ito sa puntong mahirap na itong ituwid at mahirap nang itama ang mga bunga nito. “The accumulation and concentration of many personal sins”, ayon nga sa binanggit nating Catholic social teaching. Habang lumalakas at lumalaki ang mga structures of sin na ito, nagbubunga pa ito ng ibang kasalanan at maging ang ibang tao ay nahihikayat ding gumawa ng mali.
Ang mga pagsuko, pag-aresto, at pagpatay sa mga sangkot sa iligal na droga ay mga panlabas na epekto o bunga ng giyera kontra droga ng pamahalaan. Kasabay nito ang bungang hindi pinapansin ng marami: ang pag-abuso ng ilang pulis sa kanilang kapangyarihan at awtoridad para sa makasariling layunin. Ngunit hindi ito problema dahil lamang may dayuhang nabitikma. Pag-abuso rin sa kapangyarihan—na isang personal na kasalanan—ang pagpatay sa mga sangkot sa droga at ang paglalagay ng batas sa kamay ng mga pulis sa halip na idaan ang mga suspek sa tamang proseso ng batas.
Hindi lubusang matitigil ang kaliwa’t kanang pagpatay sa mga suspek sa pagtutulak sa droga kung patuloy nating ipagwawalambahala ang baluktot na pananaw ng ilang pulis sa kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila. Ang pag-abuso sa kanilang kapanyarihan ay nakaugat sa personal na kasalanan. At hangga’t may mga pagkakataon ang mga pulis na samantalahin ang kanilang posisyon sa lipunan, lalawak at lalawak ang mga istruktura ng kasalanan. Lahat po tayo apektado.
Ipagdasal po natin ang ating kapulisan, mga Kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.