23,600 total views
Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at South Korean President Lee Jae Myung na higit pang palakasin ang strategic partnership ng kanilang mga bansa.
Sa isang phone call, tinalakay ng dalawang pinuno ang mga usapin hinggil sa maritime interests at regional stability.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos sa kanyang Facebook post ngayong Agosto 15 na napag-usapan din nila ang pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan, pagpapaunlad ng mga proyekto, pagpapabuti ng imprastruktura, at pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
“We discussed expanding trade and investment, advancing development initiatives, infrastructure and people-to-people exchanges,” ayon sa pahayag ng Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng punong ehekutibo, “We also remarked that our strategic partnership is an opportunity to deepen and expand relations.”
Binigyang-diin pa ng Pangulo na ang strategic partnership ay mahalagang pagkakataon upang mas mapalalim at mapalawak ang relasyon ng Pilipinas at South Korea. Nagpaabot rin siya ng pagbati at suporta sa lider ng South Korea.
Nangako naman si Pangulong Lee ng mas masinsinang pakikipag-ugnayan sa ASEAN, lalo’t ang Pilipinas ang gaganap bilang chairman ng ASEAN Summit sa 2026.
Ayon sa Presidential Communications Office, naitatag ang diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea noong Marso 3, 1949.






