46,704 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagkakaluklok sa puwesto ng halos 700,000 na kapitan, kagawad, SK chair, at SK kagawad matapos ang eleksyon nitong Oktubre ang pagkakaalis naman sa kanilang trabaho ng hindi bababa sa 80,000 na barangay health workers (o BHW). Ayon iyan sa BHW Association, isang party-list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na kumakatawan sa mga tinatawag na barangay-level healthcare workers.
Ang dahilan? Pulitika.
Hindi na ni-reappoint ang maraming BHW sa ilang barangay dahil hindi raw kasi sila kakampi ng nanalong kapitan. May mga report na natanggap ang BHW Association na sinabihan lang daw ang mga BHW na papalitan na sila. Labag ito sa isang joint memorandum circular ng Department of Health (o DOH) at Department of the Interior and Local Government (o DILG) na nagsasabing dapat dumaan sa due process ang hindi pagkaka-reappoint ng mga BHW. Ang kautusang ito ay nagbibigay-proteksyon sa mga BHW laban sa “politically motivated” na pagtatanggal sa kanila sa serbisyo.
Dagdag pa ng BHW Association, sinasayang ng ganitong pamumulitika ang kakayahan o skills na nalináng ng mga BHW sa napakaraming training o pagsasanay na kanilang pinagdaanan. Matagal na raw itong problema. Pinakaapektado rito ang mga malalayong barangay na tanging mga BHW lamang ang inaasahan dahil wala silang doktor, nars, o midwife man lang.
Mahalaga ang papel ng mga BHW sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan. Kaakibat sila ng gobyerno sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa kalusugan at sa tinatawag na primary healthcare services, na maaari—at dapat—pakinabangan ng mga nasa barangay. Kasama ang mga BHW sa Community Health Teams na kinabibilangan ng mga midwives, barangay nutrition scholars, at parent leaders. Dumadaan ang mga BHW sa mga pagsasanay upang maging accredited ng DOH at LGU, at upang mapahusay ang pagganap nila sa kanilang trabaho. Sa pagtanggal sa mga BHW sa kanilang trabaho dahil lamang sa pulitika, pinagkakaitan ng mga nanalong kapitan ang kanilang mga nasasakupan ng mahalagang serbisyo mula sa pamahalaan.
Ang malungkot na balitang ito ay halimbawa ng maling paggamit ng mga nasa poder sa kapangyarihang ipinagkatiwala sa kanila. Sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, sinasabing ang political authority o ang kapangyarihang tangan ng mga nasa pamahalaan ay dapat ginagamit nang tama at nang nakatuon sa pagkamit ng kabutihang panlahat o common good. “It must be exercised within the limits of the moral order and directed towards the common good,” saad sa katuruang ito. Sa isa pang Catholic social teaching na Octogesima Adveniens, sinabi ni Pope Paul VI na ang political power ay mahalaga sa paglikha ng mga kundisyong kailangan upang makamit ng taumbayan ang kanilang totoo at buong kabutihan. “True and complete good,” ‘ika nga sa Ingles.
Kaya ang gamitin ang political power para balikan o gantihan ang mga itinuturing na hindi kakampi ay salungat sa tamang layunin ng political authority ng mga kapitan. Kapag nagiging personalan na ang ugnayan ng mga nasa gobyerno, nakokompromiso ang pagkamit ng publiko sa mga serbisyong dapat nilang natatanggap bilang mga mamamayan. Hindi ito malayong mangyari sa pagkakatanggal ng libu-libong BHW dahil lamang sa maruming pamumulitika.
Mga Kapanalig, pagtuunan sana ng pansin ng DOH at DILG ang problemang ito. Habang hindi pa naisasabatas ang panukalang Magna Carta for BHWs na magpaparusa sa mga kapitang sinisibak ang mga BHW dahil sa pulitika, paalalahanan sana ng mga ahensyang ito ang mga punong-barangay sa matinding implikasyon ng kanilang “pagganti” sa mga hindi nila kakampi. Sa mga kapitan naman ng ating barangay, alalahanin sana nila ang pangaral sa Filipos 2:3-4: “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin… Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili.”
Sumainyo ang katotohanan.