94,035 total views
Mga Kapanalig, mala-fiesta na ba sa inyong lugar sa dami ng mga nakasabit na tarpaulins at posters ng mga kandidato? Asahan ninyong darami pa ang mga iyan pagsapit ng opisyal na simula ng kampanya para sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon. Sa March 28 pa ito, pero wala pa nga ang araw na iyon, malamang ay tadtad na ng mga campaign paraphernalia ang inyong paligid.
Naglabas kamakailan ang regional office ng COMELEC sa Cordillera Administrative Region ng isang notice of removal sa lahat ng 66 na kandidato sa pagkasenador. Inaatasan silang alisin ang mga campaign materials nila na nakasabit o inilagay sa mga hindi pinahihintulutang lugar. Ayon kay COMELEC chairman George Garcia, tumalima naman daw ang mga kandidato at agad na inalis ang kanilang mga tarpaulins at posters na nakalagay sa maling lugar.
Higit sa paglabag sa mga panuntunan ng COMELEC hinggil sa tamang pagpapalagay o pagsasabit ng mga campaign materials, maging mas maláy sana ang mga nanunuyo para sa ating mga boto sa dami ng basurang nililikha ng kanilang kampanya. Sa ating Omnibus Election Code na inamyendahan ng Fair Elections Act, ang pinahihintulutang sukat ng isang tarpaulin ay 2 feet by 3 feet o 6 square feet.
Kung ang bawat isa sa 66 na kandidato sa pagkasenador ay may tig-isandaang libong pirasong tarpaulins na ganito ang sukat, ang pinagsama-samang sukat ng mga tarpaulins na ito ay 39.6 milyong square feet. Katumbas ito ng halos 368 na ektarya o hindi bababa sa anim na Luneta Park! Kasinlaki rin ito ng dalawang bayan ng Pateros, na may sukat na 168 na ektaryang lupa!
Siyempre, hindi naman lahat ng 66 na kumakandidato ay may kakayanang magpagawa ng sandaanlibong tarpaulins, pero marami sa kanila ang may mga campaign materials na mas malaki pa sa pinahihintulutang sukat gaya ng mga billboards. Wala ring kapangyarihan ang COMELEC na baklasin ang mga campaign materials na nasa mga pribadong pagmamay-ari gaya ng mga bakod ng bahay, gusali, o lalagyan ng billboards mismo.
Nakalululà ang napakaraming campaign materials tuwing eleksyon. Ang materyal na ginagamit sa tarpaulin ay halu-halong plastic at tela. Sadyang sinasamahan ito ng plastic para hindi madaling masira kapag nababasa—matibay at pangmatagalan, kaya karaniwang ginagawang trapal ang mga ito. Pero pagkatapos ng eleksyon, anong nangyayari sa mga tarpaulins na nagkalat sa iba’t ibang lugar? Nagiging basura ang mga ito.
Maliban sa pagtitiyak na nasa tamang lugar ang mga tarpaulins ng mga kandidato, ipàsa rin dapat sa kanila ang obligasyong tipunin ang mga ito pagkatapos ng eleksyon. Kung kaya nilang magpagawa at magpamigay ng sandamakmak na posters, kaya rin siguro nilang linisin ang mga ito, hindi po ba? Kung lagi nating pinaaalalahanan ang ating mga anak na maging responsable sa kanilang basura sa pamamagitan ng hindi pagtatapon kung saan-saan, bakit hindi natin ito asahan mula sa mga pulitiko? Kung hindi nila kayang panagutan ang basurang nilikha nila, mapagkakatiwalaan ba natin sila sa paggawa ng mga batas o sa pangangasiwa ng ating buwis?
Sabi nga sa Laudato Si’, inaantala ng makitid na pulitikang nakatuon lamang sa agawan ng poder ang pangmatagalang layunin ng pangangalaga sa ating kalikasan. Kitang-kita ito tuwing eleksyon sa ating bansa. Mas matimbang sa maraming pulitiko ang iangat ang kanilang sarili sa ngalan ng pagkamit ng kapangyarihan kahit pa sa mga paraang nagdudulot ng pagkasira sa ating kapaligiran, katulad ng mga campaign materials na nagiging basura.
Mga Kapanalig, “hanggang ngayo’y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak,” wika nga sa Roma 8:22. Hindi dapat nagdudulot ng matinding hirap pa sa ating kalikasang baón na sa plastik ang mga nag-aasam na maging lider ng bayan.
Sumainyo ang katotohanan.






