13,713 total views
Nakatakdang pangunahan ni Jaro Apostolic Administrator Archbishop-emeritus Jose Romeo Lazo ang 4th Novena Mass ng PPCRV Prayer Power bilang patuloy na paghahanda sa nalalapit na 2025 Midterm National and Local Elections sa ika-12 ng Mayo, 2025.
Ayon kay Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) National Coordinator Dr. Arwin Serrano, ang PPCRV Prayer Power Campaign ay hindi lamang upang ipanalangin ang mga volunteers ng organisasyon na maglilingkod sa halalan kundi upang ipanalangin ang lahat ng mga botante, stakeholders, partner agencies at maging ang COMELEC na may mandatong pangasiwaan ang pagsasagawa ng halalan sa bansa.
Ibinahagi ni Serrano na mahalagang ipanalangin ng bawat isa ang pangkabuuang kaayusan, kapayapaan at katapatan sa nalalapit na halalan.
“This PPCRV Prayer Power Campaign is intended not only for our dear Volunteers who would be serving in various capacities but also for the overall conduct of our 2025 Midterm Elections for COMELEC, other Stakeholders, Partner Agencies and Voters to achieve a Clean, Honest, Accurate, Meaningful and Peaceful (CHAMP) Elections.” Bahagi ng pahayag ni Serrano sa Radyo Veritas.
Nakatakda ang ika-apat na PPCRV Prayer Power Novena Mass sa ika-12 ng Marso, 2025 ganap na alas-otso ng umaga sa Archbishop’s Palace Chapel, Jaro, Iloilo City na maaring matunghayan sa pamamagitan ng livestreaming sa Facebook page ng PPCRV.
Inilunsad ng PPCRV ang Prayer Power Journey for Election noong December 2024 na magtatagal hanggang sa May 12, 2025 sa araw ng halalan upang ipanalangin ang aktibong pakikibahagi ng mahigit 69 na milyong botante sa bansa at upang matiyak ang
‘Clean, Honest, Accountable, and Peaceful Elections’ o CHAMP May 2025 elections.
Nagsimula ang PPCRV Prayer Power Journey for Election sa PPCRV Mindanao sa pangunguna ni Davao Archbishop Romulo Valles.