1,087 total reads
Hinimok ni Dr. Moses Jarvis Catan ang mga spiritual director na tiyaking napangangalagaan ang alab ng diwa ng mga charismatic communities sa pamamagitan ng patuloy na paghubog sa kanilang mga kasapi sa tulong ng Espiritu Santo, sa halip na nakatuon lamang sa mga gawaing maaaring maglayo sa kanila mula sa panalangin at pag-aaral ng Salita ng Diyos.
Sa kanyang pahayag sa ikalawang araw ng 2nd National Spiritual Direction Conference ng CHARIS Philippines sa Liloan, Cebu, binigyang-diin ni Catan na maaaring humina ang isang charismatic community kapag napalitan ng ibang gawain ang mga aktibidad na nagpapatibay sa pananampalataya ng mga kasapi.
“The more you point us, our communities, and our members toward the Holy Spirit, the more fire there will be, the greater the heart for service, and the more opportunities there will be to give,” bahagi ng pahayag ni Catan.
Aniya, bagama’t likas sa mga kasapi ng charismatic communities ang pagiging handang maglingkod, hindi dapat mapabayaan ang kanilang panalangin, Bible study, at mga prayer meeting na nagpapanatili sa kanilang espirituwal na sigla.
“It is because they lost the very One who brought them to life in the Holy Spirit,” ani Catan, na tinukoy ang paglayo sa Espiritu Santo bilang dahilan na maaaring mawala ang dating alab at sigasig ng isang komunidad.
Hinimok din niya ang mga pari at magiging mga parish priest na kilalanin at gamitin ang mga kaloob ng Espiritu Santo sa pakikipagtulungan sa mga charismatic communities.
“When you become missionaries or parish priests and encounter a charismatic group, make sure you work with us. Make sure you use our charisms,” panawagan ni Catan.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat limitahan ang papel ng mga spiritual director sa pagtuturo o pagbibigay ng mga sakramento, kundi mahalaga ring personal na makibahagi sa buhay at karanasan ng mga komunidad na kanilang ginagabayan.
“Companionship does not simply mean knowing what to teach charismatics. It is not just about providing sacramental life to charismatic communities. It also means being with us,” aniya.
Paliwanag ni Catan na ang tunay na paggabay espirituwal ay hindi naglalayong gawing palaasa sa spiritual director ang mga mananampalataya, kundi tulungang maging mas bukas sa pagkilatis at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Sa kanyang talakayan na may temang “Compass, Companion, or Catalyst,” inilarawan ni Catan ang spiritual director bilang isang gabay na nagtuturo ng tamang direksiyon, isang kasama sa paglalakbay ng pananampalataya, at tagapaghandog ng mga kundisyong nagbibigay-daan sa pagkilos ng Espiritu Santo.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patuloy na paghubog sa Espiritu Santo, na hindi dapat matapos sa isang karanasan lamang ng pananampalataya.
“It is not enough to be baptized in the Holy Spirit just once. That is not enough. It is an ignition point,” ani Catan.
Hinimok ni Catan ang mga mananampalataya na patuloy na palalimin ang kanilang ugnayan sa Diyos upang higit na maging mabisa bilang mga alagad at sa pagmimisyon.
Hinikayat ni Catan ang mga spiritual director at lider ng charismatic renewal na patuloy na samahan ang mga komunidad sa pagtuklas sa mga kaloob ng Espiritu Santo at sa pagsasabuhay ng mga ito sa paglilingkod sa Simbahan.
Apela nitong magbuklod ang mga pari, spiritual director, at mga kasapi ng charismatic communities sa isang paglalakbay ng pananampalataya na nakatuon sa Espiritu Santo at humahantong sa mas masiglang paglilingkod at pagmimisyon.




