8,065 total views
Hinimok ng Church People Workers Solidarity ang mga Pilipino na gamitin ang panahon ng kuwaresma upang pagnilayan ang kanilang mga iboboto sa 2025 midterms election sa Mayo.
Ayon kay CWS National Capital Region Chairman Father Noel Gatchalian, ito ay upang maihalal naman ang mga lider na mayroong paghahangad na mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa.
Sinabi ni Father Gatchalian na dapat piliin ng mga botante ang lider na magsusulong ng wage hike, pag-alis sa contractualization, hindi pantay na benepisyo at paniniil sa mga union.
“Pinapakiusapan ko ang mga kapwa ko Pilipino na iboto natin ang mga kandadito na talagang ipinagtatanggol ang mga manggagawa, ang mga kandidato ng mga manggagawa sapagkat ang mga manggagawa nananatiling mababa ang suweldo kung hindi ang mga manggagawa mismo ang siyang magtatanggol sa kanila,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Gatchalian.
Umaasa ang pari na sa pamamagitan ng pagninilay ngayong Kuwaresma ay maliwanagan ang mga Pilipino at mapili ang mga lider na ang layunin ay mapabuti ang buhay ng mga Pilpino.
“Hinihikayat ko at pinapakiusapan ang mga kapwa ko Pilipino na isipin natin ang mga kapwa natin manggagawa sa kumakandidato para sila ang makatulong sa mga kapwa natin manggagawa,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Gatchalian.
Sa kasalukuyan, umaabot ng 300 hanggang 645-pesos ang minimum wage sa ibat-ibang rehiyon sa bansa na napakababa sa isinusulong na 1,200-pesos na minimum wage.
Noong 2022 at 2023 din ay napabilang ang Pilipinas sa talaan ng Global Rights Index bilang isa sa ‘Top 10 most Dangerous Countries for Labor Leaders and Members in World’ matapos maitala sa 70 ang mga napapatay na labor leaders at members simula 2016 hanggang sa kasalukuyan.