9,996 total views
Nagpahayag ng kagalakan si first Filipino Camillian, Fr. Rolando Fernandez, sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Camillian mission sa Pilipinas.
Ayon kay Fr. Fernandez, isang karangalan ang mapaglingkuran ang Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa mga may sakit, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.
“It is indeed an honor for us to serve God by serving our brothers and sisters who are sick, wherever they are… We are really full of joy in sharing with them the love that liberates, a love that heals,” pahayag ni Fr. Fernandez sa panayam ng Radio Veritas.
Si Fr. Fernandez, na kasalukuyang local superior ng Camillian Mati Community sa Davao Oriental, ay naordinahan sa pagkapari isang dekada matapos dumating sa Pilipinas ang kongregasyon noong 1974.
Nagpasalamat din ang pari sa patuloy na paggabay ng Diyos sa mga Kamilyano upang maging instrumento sa pagpapadama ng pagmamahal at habag, lalo na sa mga dumaranas ng pagsubok dahil sa karamdaman.
Sinabi ni Fr. Fernandez na ang paglilingkod sa mga nangangailangan ay isang dakilang karangalan, na siyang misyong ginagampanan ng Camillians nang may buong pagmamahal at malasakit.
“As we celebrate our 50th anniversary of Camillian presence in the Philippines, we would like really first of all to thank God for continually letting us be His hand, His heart, His mind, so that we’ll be able to share this liberating and healing love of Him to our brothers and sisters, most especially the poor and the sick, those at the peripheries. It is indeed a great honor and privilege to serve them, to serve them with heart in our hands,” ayon kay Fr. Fernandez.
Isinagawa ang anibersaryo noong March 8, 2025 sa Immaculate Conception Cathedral of Cubao, na sinimulan sa motorcade at public veneration sa relikya ni San Camilo de Lellis, at sinundan ng Banal na Misa na pinangunahan ni Cubao Bishop Elias Ayuban, Jr., CMF, kasama sina Camillian Superior General Fr. Pedro Tramontin at Philippine Provincial Superior Fr. Evan Paul Villanueva.
Nagpatuloy ang pagdiriwang sa St. Camillus Seminary sa Marikina City, kung saan pinarangalan ang mga naging bahagi ng misyon ng Camillians sa bansa, kabilang sina Fr. Fernandez, at Camillian Pioneers, Fr. Ivo Anselmi at Fr. Luigi Galvani.
Mayroon nang humigit-kumulang 130 Kamilyanong pari at relihiyoso sa ilalim ng Camillian Philippine Province, na nagsisilbi sa Pilipinas, Taiwan, Indonesia, at Australia.
Tema ng pagdiriwang ang “Puso sa Misyon: Limang Dekadang Pasasalamat, Pagninilay, at Pagtugon sa Misyon ng Diyos.”
Taong 1974 nang dumating sa Pilipinas ang mga Kamilyano, March 8, 1975 nang simulang palaguin ang lokal na bokasyon at pagtatatag ng Camillian religious houses sa bansa, at July 1, 2003 ganap nang itinatag ang Camillian Philippine Province.
Si San Camilo de Lellis ang nagtatag ng Ministers of the Sick, na kalauna’y nakilala bilang Ministers of the Infirm o Camillians, na ang tungkuli’y maglingkod sa mga may karamdaman at higit na ilapit ang kagalingang hatid ng Panginoong Hesukristo.