236 total views
May 8,2020-8:28pm
Ito ang panawagan ni PNP Chaplain Service director, Police Colonel Fr. Jason Ortizo sa mga kawani ng PNP na nagsisilbi ring frontliners laban sa pandemya sa ipinapatupad na enhanced community quarantine.
Ayon kay Fr. Ortizo na sa gitna ng pagganap ng bawat pulis sa tawag ng serbisyo na magbantay sa mga lansangan lalu na sa mga check points at choke points ay mahalaga na patuloy din na hingin ng bawat isa ang paggabay ng Panginoon.
Paliwanag ng Pari, bukod sa pagtiyak na masunod ang medical procedures na payo ng mga eksperto ay mahalaga ring patuloy na manalangin ang bawat isa upang ipag-adya mula sa pagkalat ng sakit.
“Kahit very challenging yung panahon ngayon ay sagutin pa rin nila ang tawag ng pagbibigay ng kanilang serbisyo, ipagpatuloy ang kanilang mga trabaho lalung-lalo na gampanan nila yung pagma-man sa mga kalsada at sa mga different check point at saka choke points at sana ay laging magdasal habang nasa duty kasi hindi makikita yung kalaban so talagang kailangan ng prayers at saka pag-iingat habang ginagampanan nila yung trabaho nila,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Ortizo sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa pinakahuling tala ng PNP Health Service noong ika-4 ng Mayo umaabot na sa 109 ang bilang ng mga PNP personnel na nagpositibo sa COVID-19 kung saan may 375 ang suspected Person Under Investigations at 369 naman ang patuloy na binabantayan bilang probable persons under investigation.
Aabot sa 190,000 ang bilang ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa buong bansa na kasalukuyang nagsisilbing frontliners sa pagtiyak ng kaligtasan ng sambayanan mula sa pagkalat ng COVID-19.
Nauna ng tiniyak ng PNP–Chaplain Service ang pagsasakatuparan ng mandato nito na gabayan ang mga kawani ng pambansang pulisya ng Pilipinas upang maging mabuting alagad ng batas nang may pagkilala sa karapatan at dignidad ng bawat isa.