Sa kasalukuyan, nahaharap ang Pilipinas sa hindi maayos na kalagayan dahil sa malala at sistematikong katiwalian o korapsyon na pangunahing headlines ng mga balita. Ang “mother of all corruption scandal” sa flood control at infrastructure projects ng pamahalaan ay naging mitsa ng “public outrage” o galit ng taumbayan at nagdulot ng alinlangan sa mga donor at investors.
Ang kasuklam-suklam na korapsyon na kinasasangkutan ng mga Senador, Kongresista, mga opisyal ng DPWH, COA at kasabwat na mga kontraktor ay direktang nakakaapekto sa foreign direct investments, international aid at hinaharap ng ekonomiya ng Pilipinas. Para sa isang Pilipino, nakakadismaya at nakakahiya ang corruption scandal.
Kapanalig, sa madaling salita., kinukonsedera na ng mga banyagang bansa na suspendihin ang kanilang mga proyekto na nauugnay sa eskandalo dahil sa kawalan ng transparency at hindi maayos na pamamahala. Atubili na rin ang mga nagpapautang na aprubahan ang pagpopondo sa mga bagong proyekto ng gobyerno ng Pilipinas. Ang pinagyayabang ng Pilipinas na Southeast Asia’s investment destination ay kuwento na lamang sa kawalan.
Dahil sa sobrang kasakiman sa pera ng bayan, nawala ang mga trabaho na dapat sana’y pupuno sa tumataas na unemployment rate ng Pilipinas. Kapag nawala ang mga bagong negosyo, bababa ang koleksyon ng bansa sa buwis., ang kawawa tayong mga ordinaryong Pilipino, itataas na naman ng gobyerno ang sinisingil na buwis sa atin.
Ang mga problemang dulot ng korapsyon ay walang epekto sa mga politiko, mga opisyal ng pamahalaan, at mga mapagsamantalang kontraktor. Wala silang pakialam sa taumbayan, importante sa kanila ay magtamasa sa kaban ng bayan.
Kapanalig, sinasabi ni Thomas Sowell, isang black American economist at social philosopher na “No one will really understand politics until they understand that politicians are not trying to solve our problem. They are trying to solve their own problems- of which getting elected and re-elected are number one and number 2. Whatever the number 3 is far behind.”
At dahil sa corruption scandal, ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nahaharap ngayon sa krisis. Kapag nawalan na ng integridad ang Kongreso, ang mga ahensiya ng pamahalaan., kapag nawala na ang tiwala ng taumbayan, babagsak ang isang institusyon., titigil na rin ang pagbibigay ng serbisyo publiko.
Naninindigan ang American economist at professor na si Joseph Stiglitz na ang isang “Institutions matter, and the quality of institutions matters a great deal.” Binigyan diin ni Stiglitz na mahalaga ang isang institutional framework sa pagdetermina sa hinaharap na ekonomiya ng isang bansa. Para sa kanya, malaki ang magagawa ng isang institusyon sa pagtukoy sa distribusyon ng yaman at pagtakda ng mga insentibo na nagpapagalaw sa ekonomiya. Sa pananaw ng ekonomista, ang isang institusyon ay maaring magsulong ng pag-unlad o maging hadlang sa paglago ng ekonomiya.
Kapanalig, kapag madumi na ang isang institusyon at pinamumugaran ng mga buwaya., nararapat na itong linisin, alisin ang mga buwaya.
Sa mga korap, pagnilayan ang “Deuteronomy 31:29–I know that after my death you will become utterly corrupt and will turn from the way I have commanded you to follow. In the days to come, disaster will come down on you, for you will do what is evil in the LORD’s sight, making him very angry with your actions.”
Sumainyo ang Katotohanan.






