24,217 total views
Vatican-Sa kanyang mensahe sa Sunday Angelus, hinimok ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya na huwag matakot aminin ang sariling mga pagkakamali at mamuhay nang may kababaang-loob at katapatan ng puso sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Pinagnilayan ng Santo Papa ang talinhaga ng Pariseo at ng maniningil ng buwis mula sa Ebanghelyo, kung saan inilarawan ang dalawang magkaibang uri ng panalangin—ang mayabang na panalangin ng Pariseo at ang mapagpakumbabang panalangin ng maniningil ng buwis.
Binigyang-diin ng Santo Papa na ang panalangin ng Pariseo, bagama’t nagpapakita ng pagsunod sa batas, ay kulang sa pag-ibig at awa. Ayon sa kanya, ito ay panalanging nakatuon sa pagyayabang at espirituwal na pagmamataas.
“Reflects a strict observance of the Law, certainly, but one poor in love, built on ‘giving’ and ‘having,’ on debts and credits, and lacking mercy,” ayon kay Pope Leo XIV.
Habang ang panalangin naman ng maniningil ng buwis ay nagpapakita ng pusong bukas sa biyaya at pagpapakumbaba bilang makasalanan na nangangailangan ng habag mula sa Panginoon.
Sa kanyang pagninilay, pinuri ni Pope Leo ang tapang ng maniningil ng buwis na humarap sa Diyos sa kabila ng kanyang nakaraan at masamang reputasyon.
Paliwanag ni Pope Leo, “He does not lock himself in his own world; he does not resign himself to the evil he has done. He leaves the places where he is feared, safe, protected by the power he holds over others. He comes to the Temple alone, without an escort, even at the cost of harsh looks and sharp judgments, and he presents himself before the Lord, standing back, with his head bowed.”
Dagdag pa ng Santo Papa, ang kaligtasan ay hindi nakukuha sa pagpapakita ng sariling kabutihan o pagtatago ng kasalanan, kundi sa pagiging tapat sa harap ng Diyos, sa sarili, at sa kapwa.
Bilang paggunita sa turo ni San Agustin, sinabi ni Pope Leo na ang Pariseo ay gaya ng taong may sakit na itinatago ang kanyang sugat dahil sa kapalaluan, samantalang ang maniningil ng buwis ay mapagpakumbabang ipinapakita ang kanyang sugat upang mapaghilom.
“We are not surprised that this tax collector, who was not ashamed to show his sickness, went home healed.”
Hinimok ni Pope Leo ang lahat ng mananampalataya na tularan ang kababaang-loob ng maniningil ng buwis, sa pamamagitan ng pagtanggap at pag-amin sa sariling mga pagkakamali.
Ayon sa Santo Papa, “Let us not be afraid to acknowledge our mistakes, to lay them bare by taking responsibility for them and entrusting them to God’s mercy…which does not belong to the proud, but to the humble.”




