326 total views
April 18, 2020, 11:20AM
Nagkaisa ang mga Obispo ng Bicol Region sa pagsasagawa ng simultaneous “Prayer of Solidarity” laban sa pandemic na Coronavirus Disease 2019 bilang bahagi ng paggunita ng Kapistahan ng Banal na Awa o Divine Mercy Sunday sa ika-19 ng Abril.
Tema ng sabay-sabay na pananalangin laban sa COVID-19 ng pitong diyosesis at arkidiyosesis sa Bicol Region ang “Sararong Pag-arang, Sararong Pagtarabang sa lindong kan Manto ni Ina” o sabay-sabay na panalangin sa Mahal na Ina ng Peñafrancia na patron ng rehiyon ang pamamagitan upang patuloy na proteksyunan ng Panginoon ang bawat isa mula nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Bukod sa paggabay ng Mahal na Ina ng Peñafrancia, ay ipapanalangin rin ng mga mananampalataya ang pamamagitan ng Divino Rostro o ang Holy Face of Jesus na iprinosisyon rin sa Bicol Region noong 1880’s bilang proteksyon ng rehiyon mula sa naging epidemya na Cholera Morbo.
“We remember, in the 1880’s, our place was saved from the cholera morbo epidemic, because of the prayers of our parents to INA, Our Lady of Peñafrancia and the Divino Rostro. As a mother gathers her children to prayer in time of need, we Pastors, Bishops of Bicol, invite you all for a moment of prayer together, simultaneously invoking the help of Our Ina, to beg God’s loving mercy, on April 19, 2020 – Divine Mercy Sunday, at 6:00 in the evening in your own parishes and homes. This is also traditionally the Domingo de Albis, a day for the sick.” bahagi ng nagkakaisang pahayag ng mga Obispo ng Bicol Region.
Pangungunahan ng mga Obispo at mga Pari ng Ecclesiastical Province of Caceres na binubuo ng Archdiocese of Caceres, Diocese of Legazpi, Virac, Libmanan, Masbate, Sorsogon at Daet ang gawain na nakatakda ganap na alas-sais ng gabi na masasaksihan sa pamamagitan ng live streaming sa iba’t ibang social media platforms.
Magsisilbing hudyat sa pagsisimula ng simultaneous Prayer of Solidarity against COVID-19 sa rehiyon ang pagpapatunog ng kampana ng lahat ng mga Simbahan sa pitong arkidiyosesis at diyosesis kung saan inatasan rin ang lahat ng mga kura paroko sa rehiyon na sindihan ang mga Paschal Candle at ibukas ang mga ilaw at trompa ng Simbahan.
Dahil sa ipinatutupad na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine, hinihikayat ang mga mananampalataya na makibahagi sa gawain mula sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila at pag-aalay ng panalangin para sa Banal na Awa ng Diyos sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19.
“We kindly ask our Parish Priests to ring the bells, open the loudspeakers, turn on the lights, lit the Paschal Candle as we pray together. We ask our faithful, parishioners in their homes to light candles, open the lights, connect via livestream if possible, and pray with us, or pray on their own.” Apela ng mga Obispo mula sa Bicol Region.
Ayon sa mga Obispo ng Bicol Region, ang pananalangin ang isang mabisang maibabahagi ng bawat isa sa laban sa COVID-19 upang magsumamo para sa Banal na Awa ng Diyos para sa lahat ng mga may sakit, frontliners, opisyal ng pamahalaan at lahat ng mga Filipino na maging ligtas mula sa pagkalat ng virus sa bansa.
Ang pitong mga diyosesis sa Ecclesiastical Province of Caceres ay pinangangasiwaan nina Most Rev. Rolando J. Tria-tirona, OCD, DD – Archbishop of Caceres; Most Rev. Joel Z. Baylon, DD – Bishop of Legazpi; Most Rev. Manolo A. De Los Santos, DD – Bishop of Virac; Most Rev. Jose R. Rojas Jr., DD – Bishop of Libmanan; Most Rev. Jose Bantolo, DD – Bishop of Masbate; Most Rev. Jose Allan V. Dialogo, DD – Bishop of Sorsogon; at Most Rev. Rex Andrew C. Alarcon, DD – Bishop of Daet.