
Pagod na pagod
957 total reads
Mga Kapanalig, pagod na pagod na raw si Senador Juan Miguel Zubiri sa sobrang siksik na schedule niya tuwing pumapasok sa Mataas na Kapulungan.
Labindalawang oras daw sila sa opisina, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi. Sa umaga, tuwing Lunes hanggang Miyerkules, umuupo sila bilang senator-judges sa nagpapatuloy na impeachment trial kay Vice President Sara Duterte. Sa hapon, nagsasagawa naman sila ng mga pagdinig sa mga panukalang batas.
Totoong mahaba ang labindalawang oras para igugol sa pagtatrabaho. Kaya nga naging standard ang walong oras na pagtatrabaho sa isang araw, hindi dahil hindi na kaya ng isang taong magtrabaho pagkatapos ng panahong ito. Ito ay para maiwasan ang sobrang kapaguran o chronic overwork. Kinikilala rin ang pangangailangan ng mga manggagawa para sa panahong magagamit sa mga personal na gawain gaya ng paglilibang at pagpapahinga. Kung pipilitin din ang mga manggagawang maging produktibo ng lampas sa walong oras, malaki ang tsansang makompromiso ang kalidad ng kanilang trabaho.ย ย
Pero maraming manggagawang Pilipino ang ginugugol ang kanilang araw sa pagtatrabaho. Ayon sa Philippine Statistics Authority (o PSA), nasa 20% ng mga manggagawang Pilipino ang nagtatrabaho ng mahigit 48 na oras sa isang linggo. Nag-o-overtime sila, at maraming dahilan kung bakit.
Dahil mababa o kulang ang sinasahod nila, nakikita ng mga manggagawa ang pag-o-overtime para magkaroon ng dagdag na panggastos. Ayon sa batas, dapat na may bayad ang mga nagtatrabaho ng lampas sa kanilang itinakdang oras.ย
Itinuturing ding dahilan ang napakatinding traffic, lalo na rito sa Metro Manila, kaya pinipili ng ilan na mag-overtime na lang hanggang lumuwag na ang mga lansangan. Sa totoo lang, tatlo hanggang limang oras na nga ang nawawala sa mga manggagawa kada araw dahil sa matinding traffic.ย
May mga sektor ding kailangang mag-overtime ng mga manggagawa. Extended ang trabaho ang mga doktor at nars dahil kulang ang mga nasa propesyong ito. Doble-kayod ang mga construction workers dahil may mahigpit na deadline ang kanilang mga proyekto. May mga call centers at BPO na umaasa sa mas mahabang oras ng pagtatrabaho dahil sa malaking demand para sa kanilang serbisyo.ย
Pagod na pagod din sila. Pero marami sa kanila ang wala namang sariling sasakyan kung saan komportable sila kahit naiipit sa trapik. Marami sa kanila ang hindi naman nabibigyan ng mahabang session breaks kung saan pwede silang magbakasyon pero may sahod pa rin. Wala silang mga sandamakmak na staff na tumutulong sa kanilang gawin ang kanilang trabaho. Higit sa lahat, marami sa kanila ang hindi naman sumasahod ng hindi bababa sa โฑ300,000 sa isang buwan. Kung minimum wage earner ang isang manggagawa, kulang ang isang taon para maabot ang ganoong kalaking suweldo. Masakit pa kung โno work, no payโ ang patakaran ng pinapasukan ng mga manggagawa.
Malaking sakripisyo talaga ang pagiging lingkod-bayan. Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, tinalakay ni Pope Francis ang tinatawag na โpolitical charity.โ Aniya, ang ating mga lider ay nanunungkulan hindi para paglingkuran kundi para maglingkod, gaya ng itinuro ni Hesus sa Mateo 20:28. Ang lider na isinasabuhay ang political charity ay may malalim na pakikiramay sa tunay na paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan.ย
Karapatan ng bawat taong mapagod, pero ibang usapin kung ang reklamo ay nagmumula sa mga pinunong nangakong magsilbiโmga taong may hawak ng kapangyarihan, tinatamasa ang mga mararangyang pribilehiyo, at sinuswelduhan mula sa pawis at buwis ng mga ordinaryong manggagawang araw-araw ding nagpapakapagod. Kung ganito ang sitwasyon, malinaw na may kailangang ituwid.
Mga Kapanalig, kung may dapat mahiya sa pagkapagod ng mga mambabatas na nagtatrabaho ng halos isang buong araw, ito ay mga kapwa nilang patuloy na nagtatago at hindi nagtatrabaho.ย
Sumainyo ang katotohanan.







