6,051 total views
Biyernes ng Ika-17 sa Karaniwang Panahon (II)
Jeremias 26, 1-9
Salmo 69, 5. 8-10. 14
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Mateo 13, 54-58
Friday of the Seventeenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Jeremias 26, 1-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Joaquim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula sa Panginoon: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at magsalita ka sa mga naninirahan sa lahat ng lungsod sa Juda na naparoon upang sumamba. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila’y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, pahihinuhod ako at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila.”
“Sasabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ng Panginoon: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang mga utos ko sa inyo, at di ninyo pakikinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang templong ito’y itutulad ko sa Silo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lungsod na ito sa panunungayaw.’”
Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga saserdote, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ng Panginoon. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila. “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ng Panginoon na matutulad sa Silo ang Templong ito, mawawasak ang lungsod, at walang matitirang sinuman?” At siya’y pinaligiran ng mga tao.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 69, 5. 8-10. 14
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Ang nangamumuhi nang walang dahilan,
higit na marami sa buhok kong taglay;
daming sinungaling na nagpaparatang,
ang hangad sa akin ako ay mapatay;
ang pag-aari kong di naman ninakaw,
nais nilang kuni’t dapat daw ibigay.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
Dahilan sa iyo, ako’y inaglahi,
napahiyang lubos sa pagkaunsiyami.
Sa mga kapatid parang ako’y iba,
kasambahay ko na’y di ako kilala.
Ang pagmamahal ko sa banal mong templo,
matinding-matindi sa kalooban ko;
sa akin bumagsak, paghamak sa iyo.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Panginoon, iyong dinggin
akong iyong ginigiliw.
ALELUYA
1 Pedro 1, 25
Aleluya! Aleluya!
Balita sa inyo ngayo’y
salita ng Panginoong
iiral habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Tinanggihan si Jesus ng sarili niyang mga kababayan. May pananalig nating tanggapin siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, ipagdangal ka nawa ng aming buhay.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpahayag ng Salita ng Diyos nang may katapangan at may pananalig na isabuhay ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mapalakas sa maalab at walang takot na pagpapahayag ng mensahe ng Ebanghelyo sa ating tahanan at kapitbahayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero nawa’y maging mapagtiis at huwag manghina ang kalooban sa paghahasik ng mensahe ng Diyos sa mga lugar na hindi pa tumatanggap nito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang ng may kapansanang mga anak, ang mga nag-aalaga sa matatanda, at lahat ng nagdurusa sa kani-kanilang tahanan o sa ospital nawa’y maging mga tahimik na ehemplo at saksi sa pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namimighati sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay nawa’y kalingain ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama sa Langit, nananalig kaming nananalangin sa iyo na pakikinggan mo ang aming mga mithiin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.