5,259 total views
Paggunita kay Santa Rosa de Lima, dalaga
Ezekiel 37, 1-14
Salmo 106, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Panginoo’y papurihan
sa pag-ibig n’ya kailanman.
Mateo 22, 34-40
Memorial of St. Rose of Lima, Virgin (White)
Secondary Patroness of the Philippines
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 1-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Noong mga araw na iyon, nadama ko ang kapangyarihan ng Panginoon at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay dinala niya ako sa isang lambak na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na yaong puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”
Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Panginoon?”
Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang Salita ng Panginoon. Ito ang ipinasasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo’y mabubuhay. Sa gayun, makikilala nilang ako ang Panginoon.”
Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako’y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila’y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinasasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila’y mabuhay.” Nagpahayag nga ako at pumasok sa kanila ang hininga. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila’y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 106, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9
Panginoo’y papurihan
sa pag-ibig n’ya kailanman.
o kaya: Aleluya.
Ang mga naligtas,
tinubos ng Diyos, bayaang magpuri,
yamang nangaligtas sa tulong ng Poon,
sa sariling bayan,
sila ay tinipo’t pinagsama-sama,
silanga’t kanluran,
timog at hilaga, ay doon kinuha.
Panginoo’y papurihan
sa pag-ibig n’ya kailanman.
Mayro’ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lungsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya’t nangagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Panginoo’y papurihan
sa pag-ibig n’ya kailanman.
Nang sila’y magipit,
sa Panginoong Diyos, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila’y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lungsod at doon tumahan.
Panginoo’y papurihan
sa pag-ibig n’ya kailanman.
Kaya dapat namang
sa Panginoong Diyos ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Yaong nauuhaw
ay pinaiinom upang masiyahan,
ang nangagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
Panginoo’y papurihan
sa pag-ibig n’ya kailanman.
ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 34-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Hesus ang mga Saduseo. At isa sa kanila, isang dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Hesus upang subukin ito: “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Hesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Ihayag natin ang ating pag-ibig sa Panginoong Diyos nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. Ihayag natin ang ating mga panalangin nang may pag-ibig sa ating kapwa tulad ng ating paggalang at pagpipitagan sa ating mga sarili.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, umunlad nawa kami sa Iyong pag-ibig.
Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga pinuno, nawa’y umakay ng mga sumasampalataya sa mas malalim na kaalaman at pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa atin nawa’y gawing gabay ang pagsunod sa batas ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga tahanan nawa’y maging mga lugar ng presensya ng Diyos kung saan ang bawat isa ay natuturuang kumalinga at gumalang sa bawat isa bilang anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng banayad na haplos ng Espiritu, tayo nawa’y magkaroon ng matinding habag sa mga maysakit at sa mga matatanda, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y dalhin ni Kristo sa kanyang walang hanggang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, ibinunyag mo sa amin ang iyong kalooban sa pamamagitan ng iyong mga utos. Ngayong aming dinadala sa iyo ang aming mga kahilingan, bigyan mo kami ng biyaya na maisabuhay ang iyong mga utos. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.