7,821 total views
Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga obispo
2 Timoteo 1, 1-8
o kaya Tito 1, 1-5
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Lucas 10, 1-9
Memorial of Saints Timothy and Titus, bishops (White)
UNANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 1-8
Ang simula ng ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Mula kay Pablo na niloob ng Diyos na maging apostol ni Kristo Hesus upang mangaral tungkol sa buhay na ipinangakong kakamtin natin kay Kristo Hesus –
Kay Timoteo na minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang pagpapala, ang habag, at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.
Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglingkuran ko nang tapat – tulad ng ginawa ng aking mga ninuno – tuwing aalalahanin kita sa aking mga panalangin araw-gabi. Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalaala ko ang iyong pagluha. Hindi ko nakakalimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.
Kaya’t huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Tito 1, 1-5
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Mula kay Pablo, alipin ng Diyos at apostol ni Hesukristo.
Sinugo ako upang patibayin ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos, palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makapaglalapit sa atin sa Diyos, at bigyan ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa lalangin ang sanlibutan, ang buhay na ito’y ipinangako na ng Diyos na hindi marunong magsinungaling. Ipinahahayag naman ito sa takdang panahon at ipinagkatiwala sa akin upang ipangaral, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Kay Tito, tunay kong anak sa pananampalatayang ipinagkaloob sa ating lahat:
Sumaiyo nawa ang pagkalinga at kapayapaan mula sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas na si Kristo Hesus.
Iniwan kita sa Creta upang ayusin ang mga bagay na wala pa sa ayos at pumili ng matatanda sa simbahan sa bawat bayan, ayon sa tagubilin ko sa iyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Panginoon ay purihin ng lahat sa daigdigan!
purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal.
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Tinuturuan tayo ni Kristo sa pamamagitan ng mga talinhaga. Si Kristo ang manghahasik ng binhi ng Salita ng Diyos. Tumugon tayo sa kanyang gawaing ito sa pamamagitan ng ating pagtawag sa Ama.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Manghahasik, basbasan Mo kami.
Ang Simbahan sa daigdig nawa’y maging tulad ng mayamang lupa na nagbibigay bunga ng tig-iisandaang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y mamuno sa pamamaraang kaaya-aya sa Diyos at sa kanilang nasasakupan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hindi nasisiyasat na mga ambisyon at pagkamakasarili nawa’y hindi makasagabal sa Salita ng Diyos sa ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makaranas ng nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y magtamasa ng liwanag, kaligayahan, at kapayapaan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kaming makilala ang binhi ng iyong salita at gawa sa aming buhay. Huwag nawa kaming magambala ng mga alalahanin ng mundong ito, bagkus maging maliksi kami sa paglilingkod upang mamunga ang aming mga mabubuting gawain. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.