BIYERNES, HULYO 19, 2024

SHARE THE TRUTH

 5,820 total views

Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8
Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

Mateo 12, 1-8

Friday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, nagkasakit nang malubha si Ezequias, kaya siya’y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ng Panginoon: “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! “O Panginoon, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko’y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas. Nagsalita uli ang Panginoon kay Isaias. Wika sa kanya, “Sabihin mo kay Ezequias ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya labinlimang taon ka pang mabubuhay. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lungsod na ito’y hindi maaano, pagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”

Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Ezequias; gumaling naman ito. At itinanong ni Ezequias, “Ano ang magiging palatandaan na ako’y maaari nang umakyat sa Templo?”

“Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ng Panginoon para patunayang tutupdin niya ang kanyang pangako. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Acaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayun nga ang nangyari.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

Minsa’y nasabi kong
sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw!
Sa daigdig ng patay
ako masasadlak, upang manatili roong walang hanggan.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

At nasabi ko ring di na makikita
ang Panginoon at sinumang nabubuhay.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

Katulad ng toldang tirahan ng pastol,
inalis sa akin ang aking tahanan.
Ang abang buhay ko’y
pinuputol mo na tulad ng tela sa isang habihan.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

O Poon,
ang mga nilikha ay nabubuhay dahilan sa iyo,
ako’y pagalingin at ang aking lakas sana’y ibalik mo.

Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 12, 1-8

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus sa triguhan. Nagutom ang kasama niyang mga alagad kaya’t nangitil sila ng uhay at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga.” Sumagot si Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan na kanin nila ang tinapay na iyon sapagkat ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kautusan ni Moises na tuwing Araw ng Pamamahinga, lumalabag sa batas tungkol sa araw na ito ang mga saserdote sa templo, gayunma’y hindi nila ipinagkakasala iyon? Sinasabi ko sa inyo, naririto ang isang higit na dakila kaysa templo. Hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala kung alam ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang ibig ko, hindi hain.’ Sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Manalangin tayo sa pamamagitan ni Kristo at sambahin natin ang Amang nasa Langit sa ating pananampalataya, pag-ibig, at mahabaging awa.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng awa, basbasan Mo kami.

Ang mga Kristiyano saanman nawa’y hindi maging mga taong ang kilos ay legalismo at panlabas lamang kundi maging mga taong may puso na ginagawa ang nararapat bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bansa sa mundo nawa’y matutong gumalang at tumulong sa isa’t isa at hindi maggamitan lamang kundi makipag-ugnayan ayon sa katarungan at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ayon sa udyok ng habag ni Kristo, nawa’y hindi natin hatulan ang mga nagkakamali kundi bigyan pa sila ng bagong pagkakataon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y tumanggap ng tulong mula sa mga taong may kakayahan at pamamaraan na pagaanin ang kanilang pinapasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mamahinga sa kalipunan ng mga banal sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, huwag mo kaming hingan ng anumang sakripisyo maliban sa tunay na pagbabalik-loob, tapat na pananampalataya, at paglilingkod na may pagmamahal. Bigyan mo kami ng lakas at dumito ka sa amin ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Isa pang state of emergency

 90,011 total views

 90,011 total views Mga Kapanalig, nagdeklara na si Pangulong Bongbong Marcos ng state of national energy emergency sa gitna ng krisis sa langis matapos ang ilang

Read More »

Krisis sa bukid at laot

 90,011 total views

 90,011 total views Mga Kapanalig, sa gitna ng pagdaigdigang krisis sa langis, hindi sumasabay ang lawak ng tulong mula sa gobyerno sa laki ng pangangailangan ng

Read More »

Ano tayo pagkatapos ng krisis?

 90,011 total views

 90,011 total views Mga Kapanalig, “kinamatayan na lang ang ayuda.” Ganito inumpisahan ang balita tungkol kay Tatay Jimmy na tatlong dekada nang namamasada ng tricycle sa

Read More »

Ang kalikasan ay may karapatan

 87,304 total views

 87,303 total views Mga Kapanalig, paano kung ang pagkalbo ng kagubatan, pagbuga ng polusyon, at pagsira sa dagat ay hindi na lang simpleng paglabag sa batas

Read More »

Patibong ng kasamaan

 79,743 total views

 79,743 total views Mga Kapanalig, hindi laging lantad ang kasamaan. Minsan nag-aanyo itong mabuti, maamo, at inosente. Ayon sa 2 Corinto 11:14, “…si Satanas man ay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Marso 7, 2026

 5,279 total views

 5,279 total views Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Mikas 7, 14-15. 18-20 Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12 Ang ating mahabaging D’yos

Read More »

Biyernes, Marso 6, 2026

 5,279 total views

 5,279 total views Biyernes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28 Salmo 104, 16-17. 18-19. 20-21 Gunitain nang malugod ang

Read More »

Huwebes, Marso 5, 2026

 5,279 total views

 5,279 total views Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 17, 5-10 Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6 Mapalad ang umaasa sa

Read More »

Miyerkules, Marso 4, 2026

 2,570 total views

 2,570 total views Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 18, 18-20 Salmo 30, 5-6. 14. 15-16 Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y

Read More »

Martes, Marso 3, 2026

 2,570 total views

 2,570 total views Martes sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Isaias 1, 10. 16-20 Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23 Ang masunurin sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top