BIYERNES, MARSO 31, 2023

 2,400 total views

Biyernes sa Ika-5 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 20, 10-13
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 5-6. 7

Sa kahirapa’y humibik,
at ako’y iyong dininig.

Juan 10, 31-42

Friday of the Fifth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 20, 10-13

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan.
Tinagurian nila akong “Kilabot saanman.”
Sinasabi nila, “Isuplong natin! Isuplong natin!”
Pati matatalik kong kaibiga’y naghahangad ng aking kapahamakan.
Wika pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya;
pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.”
Subalit ikaw’y nasa panig ko, Panginoon, malakas ka’t makapangyarihan;
madarapa ang lahat ng umuusig sa akin,
hindi sila magtatagumpay kailanman.
Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi.
Mapapahiya sila habang panahon,
at ito’y hindi na makakalimutan.
Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao,
Panginoon, Diyos na Makapangyarihan,
alam mo ang laman ng kanilang mga puso’t isip.
Kaya’t ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
Awitan ninyo ang Panginoon, inyong purihin ang Panginoon
sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 5-6. 7

Sa kahirapa’y humibik,
at ako’y iyong dininig.

O Panginoon kong aking kalakasan,
minamahal kita nang tunay na tunay.
Panginoo’y batong hindi matitibag,
matibay kong muog at Tagapagligtas.

Sa kahirapa’y humibik,
at ako’y iyong dininig.

D’yos ko ang sa akin ay s’yang nag-iingat,
Tagapagtanggol ko at aking kalasag.
Sa ‘yo, Panginoon, ako’y tumatawag,
sa mga kaaway ako’y ‘yong iligtas.

Sa kahirapa’y humibik,
at ako’y iyong dininig.

Gapos ako ng tali ng kamatayan;
siniklot ng alon ng kapahamakan.
Nabibingit ako sa kamatayan,
nakaumang na sa labi ng libingan.

Sa kahirapa’y humibik,
at ako’y iyong dininig.

Kaya’t ang Poon ay tinawag ko;
sa aking kahirapan, humingi ng saklolo.
Mula sa templo n’ya, tinig ko’y narinig,
umabot sa kanya ang aking paghibik.

Sa kahirapa’y humibik,
at ako’y iyong dininig.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 6, 63k. 68k

Salita mo, Kristong mahal,
Espiritung bumubuhay,
nagtuturo’t umaakay
sa nagnanais makamtan
ang langit na walang hanggan.

MABUTING BALITA
Juan 10, 31-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, ang mga Judio’y kumuha ng bato upang batuhin si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus:

“Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin ba sa mga ito ang dahilan at ako’y inyong babatuhin?” Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos gayong tao ka lang.” Tumugon si Hesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo?’ Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring tanggihan ang sinasabi ng Kasulatan. Ako’y hinirang at sinugo ng Ama; paano ninyong masasabi ngayon na nilalapastangan ko ang Diyos sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinagagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Ngunit kung ginagawa ko iyon, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa, kung ayaw man ninyo akong paniwalaan. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako’y nasa kanya.”

Tinangka na naman nilang dakpin siya, ngunit siya’y nakatalilis.

Muling pumunta si Hesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na noong una’y pinagbibinyagan ni Juan. Nanatili siya roon, at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Si Juan ay walang ginawang kababalaghan, ngunit totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito.” At doo’y maraming sumampalataya kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Biyernes

Manalangin tayo na patuloy tayong patnubayan ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga propeta upang maipalaganap natin ang mensahe ni Jesu-Kristo.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga patriarka at mga propeta, dinggin Mo kami.

Ang Simbahan, sa pamamagitan ng mga pinuno nito, nawa’y magpatupad ng kanyang misyon na ipahayag ang Ebanghelyo nang walang pagbabago sa anumang aral nito, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mensahe ni Jesus, tulad ng lebadura nawa’y magpabago sa bawat aspeto ng ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyano nawa’y hangarin ang pagsupil sa sarili, lalo na sa panahong ito ng pagsisisi sa kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pagsubok sa buhay nawa’y hindi makasira ng ating loob bagkus makatulong sa paglago natin sa pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nag-aakalang hindi nila kailangan ang Sakramento ng Kumpisal nawa’y mapukaw ang kalooban at magsisi sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, ipinadala mo sa amin ang mga pangaral ng mga propeta upang panatilihin ang aming pag-asa. Loobin mong kami ay maging malakas na makatupad sa iyong kalooban at magpatotoo sa aming pananampalataya sa iyo habambuhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.



truthshop
Shadow
Spiritual Frontliner banner

BE OUR PARTNERS!

ads
ads
ads
2
3
4
previous arrow
next arrow


Subscribe Now to Received Latest News and Blogs

Subscribe to us and receive latest News & Updates in your inbox