1,589 total views
Biyernes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kina San Nereo at San Achilles, mga martir
o kaya Paggunita kay San Pancrasio, martir
Mga Gawa 15, 22-31
Salmo 56, 8-9. 10-12
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
Juan 15, 12-17
Friday of the Fifth Week of Easter (White)
or Optional Memorial of Sts. Nereus and Achilleus, Martyrs (Red)
or Optional Memorial of St. Pancras, Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 22-31
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, minabuti ng mga apostol, ng matatanda, at ng buong simbahan na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. At sinugo nila ang mga pangunahin ng mga kapatid: si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas. Ipinadala nila ang sulat na ganito ang nilalaman:
“Kaming mga apostol at matatanda ay bumabati sa mga kapatid na Hentil sa Antioquia, sa Siria at Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahang galing dini, bagamat hindi namin sila inutusan. Di-umano’y binabagabag kayo sa pamamagitan ng kanilang sinasabi. Kaya’t napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na Bernabe at Pablo, na di nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Hesukristo. Sinusugo nga namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag sa inyo ang nasasaad sa sulat na ito. Sa udyok ng Espiritu Santo, ang naging pasiya namin ay huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyusan, ng dugo, at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga bagay na ito, at mapapabuti kayo. Paalam.”
Pinayaon ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon nila ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. Pagkabasa sa liham, ang mga tao’y nagalak dahil sa kanilang narinig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 56, 8-9. 10-12
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
o kaya: Aleluya!
Naghahanda ako, O Diyos, ako ngayon ay handa na,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
Gumising ka, katawan ko, gumising ka, kaluluwa,
gumising ka’t tugtugin mo yaong lumang lira’t alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
Sa gitna ng mga bansa kita’y pasasalamatan;
Poon, ika’y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
Ihayag mo sa itaas ang taglay mong kabantuga’t
dito naman sa daigdig ay ang iyong kaningningan!
Sa gitna ng mga bansa
sabihing “D’yos ay Dakila!”
ALELUYA
Juan 15, 15b
Aleluya! Aleluya!
Aking mga kaibigan,
alam na ninyo ang tanan
na mula sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 12-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ito ang aking utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo’y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo’y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayun, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob sa inyo. Ito ang inuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Tinatawag tayo ni Kristo na kanyang mga kaibigan at inuutusan tayong ibigin ang isa’t isa. Ipakita natin ang ating pag-ibig sa katapatan ng ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, panatilihin Mo kami sa Iyo.
Ang mga tinawag upang mangaral ng Ebanghelyo sa anumang paraan nawa’y magpahayag ng Mabuting Balita ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumunong pulitiko nawa’y matakot sa Diyos at gawin ang nararapat ayon sa mga Salita ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa nawa’y isapuso ang utos ng Diyos na mag-ibigan kahit sa mga pagkakataon ng pagsubok, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatagpo ng pagmamahal sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kapatid nating yumao nawa’y pagkalooban ng Diyos ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, dinggin mo ang aming mga panalangin at loobin mong lumago sa amin ang iyong pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.