Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Huwebes, Abril 17, 2025

SHARE THE TRUTH

 1,544 total views

Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon

Exodo 12, 1-8. 11-14
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

1 Corinto 11, 23-26
Juan 13, 1-15

Thursday of the Lord’s Supper (White)

UNANG PAGBASA
Exodo 12, 1-8. 11-14

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Mula ngayon, ang buwang ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong pamayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat puno ng sambahayan ay pipili ng isang kordero o bisirong kambing para sa kanyang pamilya. Kung maliit ang pamilya at hindi makauubos ng isang buong kordero, magsasalo sila ng kalapit na pamilya, na hindi rin makauubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang kordero ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang ang kordero ay lalaki, isang taong gulang, walang pinsala o kapintasan. Kung walang tupa ay kahit kambing. Aalagaan itong mabuti hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang kordero. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaning kasama ng tinapay na walang lebadura at ng mapapait na gulay. Ganito naman ang magiging ayos ninyo sa pagkain nito: nakabigkis, nakasandalyas at may tangang tungkod; dalidali ang inyong pagkain nito. Ito ang Paskuwa ng Panginoon.

“Sa gabing yaon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop man. At parurusahan ko ang lahat ng diyus-diyusan sa Egipto. Ako ang Panginoon. Lalampasan ko ang lahat ng bahay na makita kong may pahid na dugo, at walang pinsalang mangyayari sa inyo sa pagpaparusa ko sa buong Egipto. Ang dugo ang siyang magiging palatandaan na Israelita ang nakatira sa bahay na iyon. Ang araw na ito’y ipagdiriwang ninyo magpakailanman bilang pista ng Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 12-13. 15-16bk. 17-18

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

Sa Diyos ko’t Panginoon, ano’ng aking ihahandog
sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.
Katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.
Sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Sa kalis ng pagbabasbas
si Kristo ang tinatanggap.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 11, 23-26

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:

Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo: ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Gayun din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang kalis at sinabi, “Ang kalis na ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo sa pag-alala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kalis na ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 13, 34

Ang bagong utos ko’y ito:
mag-ibigan sana kayo
katulad ng ginawa ko
na pagmamahal sa inyo,
ang sabi ni Hesukristo.

MABUTING BALITA
Juan 13, 1-15

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Bisperas na ng Paskuwa. Alam ni Hesus na dumating na ang panahon ng kanyang paglisan sa sanlibutang ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, at ngayo’y ipakikita niya kung hanggang saan ang kanyang pag-ibig sa kanila.

Naghahapunan si Hesus at ang mga alagad. Naisilid na ng diyablo sa isip ni Judas, anak ni Simon Iscariote, ang pagkakanulo kay Hesus. Alam ni Hesus na ibinigay na sa kanya ng Ama ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya’y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya’t nang sila’y naghahapunan, tumindig si Hesus, naghubad ng kanyang panlabas na kasuotan, at nagbigkis ng tuwalya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. “Panginoon,” sabi niya, “diyata’t kayo pa ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Hesus, “Hindi mo nauunawan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Sinabi sa kanya ni Pedro. “Hinding-hindi ko po pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa.” “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin,” tugon ni Hesus. Kaya’t sinabi ni Pedro, “Panginoon, hindi lamang po ang mga paa ko, kundi pati ang aking kamay at ulo!” Ani Hesus, “Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” Sapagkat alam ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya sinabi niyang malinis na sila, ngunit hindi lahat.

Nang mahugasan na ni Hesus ang kanilang mga paa, siya’y nagsuot ng damit at nagbalik sa hapag. “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?” tanong niya sa kanila. “Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung akong Panginoon ninyo at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong mahugasan ng paa. Binigyan ko kayo ng halimbawa at ito’y dapat ninyong tularan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Huwebes Santo

Sa Huling Hapunan, ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Hesus ang hindi malilimot na halimbawa ng kababaang-loob at malasakit sa lahat ng mananampalataya sa pagtatatag ng Sakramento ng Pagpapari at ng Eukaristiya. Ipanalangin nating maging mabunga ang mga biyayang ito, habang sinasabi:

Panginoon, gawin Mo kaming mga taong Eukaristiko!

Para sa buong Simbahan, ang pamayanan ng mga disipulo ni Kristo: Mangibabaw nawa sa kanya ang pagmamahalan, pakum- babang paglilingkod, at bukas-palad na pagbibigay. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at ibang mga pinuno ng Simbahan: Tularan nawa nila ang kababaang-loob ni Hesus sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa sambayanan ng mga sumasampalataya. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng paring gumugunita sa kanilang paglilingkod bilang pari sa araw na ito: Ang kanila nawang buong buhay ay maging isang paglilingkod na puspos ng kababaang-loob at pagmamahal sa sambayanan, tulad ng kay Kristo. Manalangin tayo!

Para sa mga parokya: Sila nawa ay maging tunay na sambayanang Eukaristiko na nagpapakita ng katangi-tanging pagmamahal sa mga nagdurusa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng natitipon dito upang ipagdiwang ang sakramento ng pag-ibig ni Kristo: Pangalagaan nawa natin sa ating pang-araw-araw na buhay ang pagkakaisa at pagmamahal na ating pinasisigla sa Hapag ng Panginoon. Manalangin tayo!

Taimtim nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumahimik sandali.)
Manalangin tayo!

Diyos Ama, ibinigay Mo sa amin si Hesus, ang Tinapay ng Buhay at Walang Hanggang Punong Saserdote. Nawa ang aming buhay ay laging maging salamin ng kanyang buhay, hanggang sumapit ang oras ng pakikibahagi sa Walang Hanggang Piging sa langit, magpasawalang hanggan. Amen!


Huwebes Santo
Pagmimisang may Pagbabasbas ng Langis

Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9
Salmo 88, 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Pahayag 1, 5-8
Lucas 4, 16-21

Chrism Mass (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 61, 1-3a. 6a. 8b-9

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya,
at upang lupigin lahat ang mga kaaway;
Ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila,
upang ang tumatangis
na mga taga-Sion ay paligayahin.
Sa halip ng lungkot,
awit ng pagpuri yaong aawitin;
upang ang langis ng kagalakan ay ihatid sa tanan;
ang Diyos na Panginoon
iingatan sila at kakalingain.
Ngunit kayo nama’y
siyang maglilingkod sa Diyos na Panginoon,
kayo ay gagawin niyang saserdote.
Ang kayamanan ng ibang bansa’y
inyong makakamtan,
aariin ninyong may galak sa buhay.
Ang sabi ng Panginoon:
“Ako’y namumuhi sa pagkakasala at pang-aalipin,
gawang katarungan ang mahal sa akin.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin.
Itong lahi nila
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 21-22. 25 at 27

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ang piniling lingkod na ito’y si David,
aking pinahiran ng banal na langis.
Kaya’t palagi ko siyang aakbayan
at siya’y lalakas sa aking patnubay.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas,
ay iuukol ko’t aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
Ako’y tatawaging ama niya’t Diyos,
tagapagsanggalang niya’t Manunubos.

Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.

IKALAWANG PAGBASA
Pahayag 1, 5-8

Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Sumainyo ang pagpapala at kapayapaan mula kay Hesukristo, ang tapat na saksi, ang unang nabuhay sa mga patay, at Hari ng mga hari sa lupa.

Iniibig niya tayo, at sa kanyang pagkamatay ay pinalaya niya tayo mula sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang liping maharlika upang maglingkod sa Diyos at kanyang Ama bilang mga saserdote. Kay Hesukristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Pakatandaan ninyo! Darating siyang nasa mga alapaap, makikita ng lahat, pati ng umulos sa kanyang tagiliran; dahil sa kanya, iiyak ang lahat ng lipi sa lupa. Magkakagayon nga. Amen.

“Ako ang Alpha at ang Omega,” wika ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Isaias 61, 1 (Lucas 4, 18)

Espiritu ng Poong D’yos
sa akin ay lumulukob.
Ako’y sugo niyang lingkod
nang sa dukha’y maidulot
ang balita ng pagtubos.

MABUTING BALITA
Lucas 4, 16-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa Nazaret na kanyang nilakhan. Gaya ng kanyang kinagawian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumindig siya upang bumasa; at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat sa dakong kinasusulatan ng ganito:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
Sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya,
at sa mga bulag na sila’y makakikita;
Upang bigyang-kaluwagan ang mga sinisiil,
At ipahayag ang pagliligtas na gagawin ng Panginoon.”

Nilulon niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapaglingkod, siya’y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga. At sinabi niya sa kanila: “Natupad ngayon ang bahaging ito ng Kasulatan samantalang nakikinig kayo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

President of Radio Veritas

Ang pagbabalik ng tanim-bala?

 77,656 total views

 77,656 total views Mga Kapanalig, mariing pinabulaanan ng Department of Transportation (o DOTr) ang pagbabalik ng modus na tanim-bala sa ating mga paliparan. Noong nakaraang buwan

Read More »

Ghost students

 85,431 total views

 85,431 total views Mga Kapanalig, aabot sa halos 65 milyong piso ang nabawi ng Department of Education (o DepEd) mula sa mga paaralang sangkot sa iregularidad

Read More »

Pulitikang lumilikha ng hidwaan

 93,611 total views

 93,611 total views Mga Kapanalig, may mga iniidolo ba kayo? Marami sa atin ang may tinitingalang tao dahil sa kanilang mga katangian, ugali, at maging itsura.

Read More »

The Big One

 109,178 total views

 109,178 total views Madalas natin itong naririnig, nababasa, pinag-uusapan, pinaghahandaan “be ready for the big one”. Pero Kapanalig, binibigyan ba natin ng importansiya…nang atensyon, ang babalang

Read More »

ODD-EVEN scheme

 113,121 total views

 113,121 total views Na naman! Ito na lang ba ang alam na paraan ng mga ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa transportasyon sa Metro Manila? Epektibo

Read More »

Watch Live

catholink
Shadow
truthshop
Shadow
DONATE NOW
Shadow

Related Post

Lunes, Abril 21, 2025

 54 total views

 54 total views Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay Mga Gawa 2, 14. 22-33 Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10.

Read More »

Sabado, Abril 19, 2025

 955 total views

 955 total views Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay Genesis 1, 1-2, 2 o kaya Genesis 1, 1. 26-31a Salmo 103, 1-2a. 5-6. 10 at

Read More »

Biyernes, Abril 18, 2025

 1,253 total views

 1,253 total views Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon Isaias 52, 13-53, 12 Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25 Ama, sa mga

Read More »

Miyerkules, Abril 16, 2025

 1,816 total views

 1,816 total views Miyerkules Santo Isaias 50, 4-9a Salmo 68, 8-10. 21bkd-22. 31 at 33-34 Poon, ako’y iyong dinggin sa panahong ‘yong ibigin. Mateo 26, 14-25

Read More »

Martes, Abril 15, 2025

 2,246 total views

 2,246 total views Martes Santo Isaias 49, 1-6 Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17 Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan. Juan 13, 21-33.

Read More »

Lunes, Abril 14, 2025

 2,277 total views

 2,277 total views Lunes Santo Isaias 42, 1-7 Salmo 26, 1. 2. 3. 13-14 Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan. Juan 12, 1-11 Monday of Holy

Read More »

Linggo, Abril 13, 2025

 2,503 total views

 2,503 total views Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon (K) Lucas 19, 28-40 Isaias 50, 4-7 Salmo 21, 8-9. 17-18a. 19-20. 23-24 D’yos ko! D’yos

Read More »

Sabado, Abril 12, 2025

 2,741 total views

 2,741 total views Sabado sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Ezekiel 37, 21-28 Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na

Read More »

Biyernes, Abril 11, 2025

 3,272 total views

 3,272 total views Biyernes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 20, 10-13 Salmo 17, 2-3a. 3bk-4. 5-6. 7 Sa kahirapa’y humibik, at ako’y

Read More »

Huwebes, Abril 10, 2025

 3,330 total views

 3,330 total views Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Genesis 17, 3-9 Salmo 104, 4-5. 6-7. 8-9 Nasa isip ng Maykapal ang tipan

Read More »

Miyerkules, Abril 9, 2025

 3,557 total views

 3,557 total views Miyerkules sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Daniel 3, 14-20. 91-92. 95 Daniel 3, 52. 53. 54. 55. 56 Purihin at

Read More »

Martes, Abril 8, 2025

 3,706 total views

 3,706 total views Martes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Bilang 21, 4-9 Salmo 101, 2-3. 16-18. 19-21 Dinggin mo ang aking dasal, pagsamo

Read More »

Lunes, Abril 7, 2025

 4,080 total views

 4,080 total views Lunes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Daniel 13, 1-9. 15-17. 19-30. 33-62 o kaya Daniel 13, 41k-62 Salmo 22, 1-3a. 3b-4.

Read More »

Linggo, Abril 6, 2025

 4,034 total views

 4,034 total views Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (K) Isaias 43, 16-21 Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6 Gawa ng D’yos ay dakila kaya

Read More »

Sabado, Abril 5, 2025

 4,140 total views

 4,140 total views Sabado sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Jeremias 11, 18-20 Salmo 7, 2-3. 9bk-10. 11-12 Panginoon, aking Diyos, pag-asa ko

Read More »
Scroll to Top