1,039 total views
Paggunita kay San Pio X, papa
Mga Hukom, 11, 29-39a
Salmo 39, 5. 7-8a. 8b-9. 10
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Mateo 22, 1-14
Memorial of St. Pius X, Pope (White)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Mga Hukom, 11, 29-39a
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong mga araw na iyon, ang Espiritu ng Panginoon ay lumukob kay Jefte. Nagpunta siya sa Galaad at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Galaad at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonito. At nangako si Jefte sa Panginoon ng ganito: “Kapag niloob ninyo na malupig ko ang mga Ammonitong ito, susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang sasalubong sa akin pag-uwi ko.” Sinalakay nga ni Jefte ang mga Ammonito at pinagtagumpay siya ng Panginoon. Nalupig nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lungsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonito.
Nang magbalik si Jefte sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng kanyang tamburin. Siya lamang ang anak ni Jefte. Nang makita siya ni Jefte, hinatak niya ang kanyang kasuotan at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Naipangako ko sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang kasambahay kong sasalubong sa akin ngayon.”
Sumagot ang anak ni Jefte, “Kung nakapangako kayo sa kanya, tuparin ninyo yamang niloob niyang magtagumpay kayo sa inyong mga kaaway na mga Ammonito. Ngunit may isa lamang po akong ipakikiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkadalaga.” Pumayag naman si Jefte na umalis nang dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkadalaga pagkat mamamatay siya nang hindi magkakaasawa. Pagkaraan nang dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang pangako sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 5. 7-8a. 8b-9. 10
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Mapalad ang taong may tiwala sa Diyos
at sa diyus-diyosa’y hindi dumudulog;
hindi sumasama sa nananambahan,
sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan si Hesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga langsangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masasama’t mabubuti, anupat napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Inaanyayahan tayo ng Diyos sa Hapag ng buhay na walang hanggan sa Langit. Tumawag tayo sa ating mapagmahal na Ama para sa ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, turuan mo kaming maging bukas sa iyong pag-ibig.
Ang Simbahan dito sa lupa nawa’y patuloy na umunlad at mahikayat ang maraming tao sa kaligayahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mayayaman at mahihirap nawa’y huwag iwasan ang hamon at tawag ng Kaharian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pagkakaroon ng dalisay at nagsisising puso, tayo nawa’y matagpuang karapat-dapat na makibahagi sa Hapag na inihanda ng Diyos para sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit at may kapansanan nawa’y maibahagi natin ang habag at kabutihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y mabuhay sa tahanan ng Diyos at magbunyi sa Hapag ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, inaanyayahan mo kami na makapiling ka sa iyong Kaharian. Habang aming ipinapanalangin ang aming kapwa, tulungan mo kaming maakay sila sa Hapag na inihanda ng iyong Anak na si Jesus na aming Panginoon. Amen.