6,071 total views
Paggunita kay San Ambrosio, obispo at pantas ng Simbahan
Isaias 26, 1-6
Salmo 117, 1 at 8-9. 19-21. 25-27a
Pinagpala’ng dumarating
sa ngalan ng Poon natin.
Mateo 7, 21. 24-27
Memorial of St. Ambrose, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
UNANG PAGBASA
Isaias 26, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa araw na iyo’y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag ang ating lungsod,
Hindi tayo maaano,
Matibay ang muog.
Bayaang bukas ang mga pintuan,
upang makapasok ang bayang matapat.
Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
ang mga taong matapat na tumatalima
at nagtitiwala sa iyo.
Magtiwala kayong lagi sa Panginoon,
pagkat siya ang kublihang walang hanggan.
Ibinababa niya ang mga palalo,
lungsod mang matatag ay ibinabagsak;
pati muog ay winawasak,
hanggang sa maging tapakan ng mga taong-hamak
at tuntungan ng mga mahirap.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 1 at 8-9. 19-21. 25-27a
Pinagpala’ng dumarating
sa ngalan ng Poon natin.
o kaya: Aleluya.
O pasalamatan
ang Panginoong Diyos, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig
ay napakatatag at mananatili.
Mabuting di hamak,
na doon sa Poon magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala sa Poon ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.
Pinagpala’ng dumarating
sa ngalan ng Poon natin.
Ang mga pintuan
ng banal na templo’y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong Panginoo’y papupurihan.
Ito yaong pintong
pasukan ng Poon, ang Panginoong Diyos;
tanging ang matuwid
ang pababayaang doo’y makapasok!
Aking pinupuri
Ikaw, O Poon, yamang pinakinggan,
dininig mo ako’t pinapagtagumpay.
Pinagpala’ng dumarating
sa ngalan ng Poon natin.
Kami ay iligtas,
tubusin mo, Poon, kami ay iligtas,
at pagtagumpayin sa layuni’t hangad.
Ang pumaparito
sa ngalan ng Poon ay pagpapalain;
magmula sa templo,
mga pagpapala’y kanyang tatanggapin!
ang Poon ang Diyos.
Pinagpala’ng dumarating
sa ngalan ng Poon natin.
ALELUYA
Isaias 55, 6
Aleluya! Aleluya!
Hanapin ang Poong mahal
s’ya’y ating matatagpuan
sa kanya tayo magdasal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 21. 24-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit.
“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Adbiyento
Huwebes
Bunga ng pagtitiwalang ipagkakaloob ng Diyos Ama ang ating mga kahilingan, buong katapatan tayong tumawag sa kanya.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Mapagmahal na Ama, dinggin mo ang aming panalangin.
Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari, at mga relihiyoso nawa’y maging tapat sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pulitiko at lahat ng naglilingkod sa pamahalaan nawa’y maging tapat sa kanilang mga pangako at tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating pananampalataya nawa’y magkaroon ng matibay na patotoo sa ating mga gawa at hindi lamang sa mga salita, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat na may ginagampanang tungkulin at pananagutan nawa’y maayos na makatupad sa ating mga gawain, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga namayapang kamag-anak at kaibigan nawa’y makatanggap ng kanilang gantimpala sa kabilang buhay sa piling ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, ikaw ang aming lakas sa oras ng aming pangangailangan. Buksan mo ang aming mga puso sa iyong biyaya at akayin mo kami sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.