2,204 total views
Huwebes ng Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Hebreo 7, 25 – 8, 6
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Marcos 3, 7-12
Thursday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Hebreo 7, 25 – 8, 6
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, lubusang maililigtas ni Hesus ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
Si Hesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon sa ating pangangailangan. Siya’y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una’y para sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Hesus at iya’y pangmagpakailanman – nang ihandog niya ang kanyang sarili. May mga kahinaan ang mga dakilang saserdoteng hinirang ayon sa Kautusan; subalit ang saserdoteng hinirang na may panunumpa ay ang Anak, banal magpakailanman. At ang panunumpa ng Diyos ay huling dumating kaysa Kautusan.
Ito ang buod ng aming sinasabi: tayo’y may Dakilang Saserdote, nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya’y naglilingkod doon sa tunay na Dakong Banal, sa toldang hindi itinayo ng tao kundi ng Panginoon.
Tungkulin ng bawat dakilang saserdote ang maghandog ng mga kaloob at mga hain, kaya’t kailangang ang ating Dakilang Saserdote ay mayroon ding ihahandog. Dito sa lupa, hindi siya maaaring maging saserdote, sapagkat mayroon nang mga saserdoteng naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. Ang kanilang paglilingkod ay anino lamang ng nasa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na itinagubilin sa kanya ng Diyos ang ganito: “Gawin mo ang lahat ng bagay ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Ngunit ang paglilingkod kay Hesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, yamang siya’y tagapamagitan ng isang tipang higit na mabuti, sapagkat nasasalig ito sa lalong mahahalagang bagay na ipinangako.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10. 17
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga paghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
Hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saan man magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Silang lumalapit sa iyo’y dulutan
ng ligaya’t galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Ang Poon ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pumasok si Hesus sa sinagoga, at naratnan niya roon ang isang lalaking patay ang isang kamay. Kaya’t binantayan si Hesus ng ilang taong naroon upang tingnan kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, para may maiparatang sila sa kanya. Tinawag ni Hesus ang lalaking patay ang kamay: “Halika rito sa unahan!” Tinanong niya pagkatapos ang mga tao, “Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?” Ngunit hindi sila sumagot. Habang tinitingan ni Hesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at nakipagsabwatan sa mga kampon ni Herodes upang ipapatay si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Pinalaya tayo ni Kristo sa mapanirang kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan upang maging malaya tayong makibahagi sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Hinihingi natin ang biyaya at pagbabasbas na ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng Pag-ibig, iabot Mo ang Iyong kamay sa amin.
Ang Simbahan nawa’y makatagpo ng pamamaraan na mapalaya ang sinuman sa anumang hadlang upang ipahayag ang Ebanghelyo sa mga tao sa ating panahon ngayon, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa nagugutom na daigdig, lalo na sa mga taong hindi makatarungnang pinagkakaitan ng pagkain, damit, at tahanan nawa’y pagkalooban sila ng Panginoon ng pag-asa at kalakasan ng loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y hindi maging mga taong mapagkunwari na sumusunod sa batas, kundi maging mga taong may pusong gagawin ang mabuti at nararapat bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magmalasakit sa mga nagdurusa at naghihirap upang mapagaan ang kanilang dinadala at tulungan silang patuloy na manalig sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay at yaong mga nagluluksa sa kanilang pagkawala nawa’y makatagpo ng pag-asa at kasiyahan sa Panginoong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Mapagmahal na Diyos, inaangkin namin na kami ay sa iyo at sa iyong Anak. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tulungan mo kaming mahalin ka sa pamamagitan ng aming pagkalinga at pagbibigay kasiyahan sa aming kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.