2,499 total views
Huwebes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Maria Goretti, dalaga at martir
Genesis 22, 1-19
Salmo 114, 1-2. 3-4. 5-6. 8-9
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
Mateo 9, 1-8
Thursday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Maria Goretti, Virgin and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Genesis 22, 1-19
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya.
Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”
Kinabukasan, maagang bumagon si Abraham, at sumakay sa asno, kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki. May dala silang kahoy na panggatong. Matapos ang tatlong araw na paglalakbay, natanaw nila ang dakong kanilang patutunguhan. Kaya’t sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan na ninyo rito ang asno at kami na lamang ni Isaac ang magtutuloy. Sasamba lamang kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.”
Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong, dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!”
“Ano iyon, anak?” tugong patanong ni Abraham.
“Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang korderong ihahandog?” tanong ni Isaac.
Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon sa atin.” Kaya’t nagpatuloy sila sa paglakad.
Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”
Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak. Ang lugar na iyo’y tinawag ni Abraham na, “Ang Panginoon ang Nagkaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao: “Sa bundok ng Panginoon ay may nakalaan.”
Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.” Binalikan ni Abraham ang kanyang mga alipin, at sama-sama silang umuwi sa Beer-seba.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 114, 1-2. 3-4. 5-6. 8-9
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
o kaya: Aleluya.
Ang bayang Israel sa bansang Egipto’y doon inilabas,
nang ang lahing ito sa bansang dayuhan ay pawang lumikas;
magmula noon ang lupaing Juda’y naging dakong banal,
at yaong Israel ginawa ng Diyos na sariling bayan.
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
Ang Dagat ng Tambo, nang ito’y makita ay tumakas na rin,
magkabilang panig ng Ilog ng Jordan, noon ay humimpil.
Maging mga bundok, katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol, nanginig na parang tupang maliliit.
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
Ano ang nangyari, at ikaw, O dagat wala nang daluyan?
Ikaw naman Jordan, bakit ang tubig mo’y hindi na dumaloy?
Kayong mga bundok, nanginginig kayong tupa ang kapara,
at ang mga burol, natakot na parang maliit na tupa?
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
Ikaw, O daigdig, ngayon ay manginig sa harap ng Diyos,
dapat kang matakot sapagkat darating ang Diyos ni Jacob.
Siyang sa dalisdis ay nagpapabukal ng saganang tubig,
at magmula roon, ang tubig na ito ay nagiging batis.
Kapiling ko habambuhay
ang Panginoong Maykapal.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sariling bayan. Pagdating niya roon, dinala sa kanya ng ilang katao ang isang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Isinaloob ng ilang eskribang naroon, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba nag mas madali: ang sabihing, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad,’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao’y may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.” Tumindig nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila’y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Taglay ang buong pananalig ng mga kaibigan ng paralitiko, dalhin natin sa Panginoon ang ating mga pangangailangan at ang mga dalamhati ng Simbahan at ng mundo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, palakasin at ibangon mo kami.
Ang Simbahan nawa’y palagiang isagawa ang mapagligtas na misyon ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pari na nagdiriwang ng Sakramento ng Pakikipagkasundo nawa’y laging magpakita ng habag at pang-unawa sa lahat ng mga nagbabalik-loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging laging handang magpatawad ng ating kapwa sapagkat bahagi ito ng ating tungkulin sa pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y makatagpo ng kasiyahan at pag-asa sa gitna ng kanilang pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y makasalo sa walang hanggang kapayapaan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin sa kapatawaran na dulot ng iyong Anak sa amin. Kami nawa’y makapagpatawad sa mga nagkakasala sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.