2,371 total views
Huwebes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Paulino ng Nola, obispo
o kaya Paggunita kay San Juan Fisher, obispo at Santo Tomas More, mga martir
2 Corinto 11, 1-11
Salmo 110, 1-2. 3-4. 7-8
Poon, ang gawa mo’y ganap,
maaasahan at tapat.
Mateo 6, 7-15
Thursday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Paulinus, Bishop (White)
or Optional Memorial of St. John Fisher and Thomas Moore, Martyrs (Red)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 11, 1-11
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ipagpaumanhin ninyo kung ako’y nag-uugaling hangal. Nakadarama ako ng maka-Diyos na panibugho; tulad kayo ng isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, kay Kristo. Ngunit nag-aalaala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Kristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at nangangaral ng ibang Hesus kaysa ipinangaral ko. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro ko sa inyo.
Palagay ko nama’y hindi ako huli sa magagaling na mga apostol na iyan. Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Ipinakilala ko ito sa inyo sa lahat ng pagkakataon.
Ipinangaral ko sa inyo ang Mabuting Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako’y nagpakaaba upang mataas kayo. Masasabi bang kasalanan ko ito? Ibang simbahan ang nagbibigay ng mga kailangan ko noon ako’y naglilingkod sa inyo; wari bang inaagawan ko sila, matulungan lamang kayo. At nang ako’y kapusin diyan, hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Mula’t sapul ay iniwasan kong makabigat sa inyo sa anumang paraan at iyan ang gagawin ko habang panahon. Sa ngalan ni Kristo na sumasaakin, hindi ko ititigil ang pagmamapuring ito kahit saan diyan sa Acaya. Bakit ko ginawa ito? Dahil ba sa di ko kayo mahal? Alam ng Diyos, mahal na mahal ko kayo!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 110, 1-2. 3-4. 7-8
Poon, ang gawa mo’y ganap,
maaasahan at tapat.
o kaya: Aleluya.
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.
Poon, ang gawa mo’y ganap,
maaasahan at tapat.
Lahat niyang gawa’y dakila at wagas,
bukod sa matuwid hindi magwawakas.
Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Poon, ang gawa mo’y ganap,
maaasahan at tapat.
Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga’y totoo’y matapat.
Poon, ang gawa mo’y ganap,
maaasahan at tapat.
ALELUYA
Roma 8, 15bk
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng D’yos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 6, 7-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang pangalan mo.
Ikaw nawa ang maghari sa amin,
sundin nawa ang iyong kalooban
dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito;
at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok,
kundi ilayo mo kami sa Masama!
Sapagkat iyo ang kaharian at ang
kapangyarihan at ang kapurihan,
magpakailanman! Amen.’
Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Itinuro ni Jesus na maaari nating tawagin ang Diyos na ating Ama. May matatag na pag-asa nating dalhin sa kanya ang ating mga hinaing.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Abba Ama, Dinggin mo ang aming panalangin.
Ang Simbahan nawa’y laging ipahayag sa buong sanlibutan ang malalim na pananalig sa pagdating ng paghahari ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa gitna ng mga kahirapan sa buhay nawa’y huwag nating isuko ang pagdarasal at huwag tayong magpadaig sa mga tukso, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng sapat na pagkain sa ating pang-araw-araw na pangangailangan at kadakilaan ng puso na patawarin ang ating mga kaaway, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at yaong mga nag-aaruga sa kanila, nawa’y maranasan ang Diyos sa kanilang araw-araw na pagsasakripisyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makita nang harapan ang Diyos sa kanyang walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin sa iyong pakikinig sa aming hinaing. Tulungan mo kaming laging manalig sa iyong mapagmahal na pamamaraan at tanggapin ang iyong kalooban sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.