HUWEBES, MARSO 30, 2023

 2,386 total views

Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Genesis 17, 3-9
Salmo 104, 4-5. 6-7. 8-9

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Juan 8, 51-59

Thursday of the Fifth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Genesis 17, 3-9

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, “Ito ang ating tipan: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. Hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham, sapagkat ginagawa kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko ang iyong mga inapo at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.

“Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi, at ako’y magiging Diyos ninyo habang panahon. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. Magiging inyo na ang buong lupain ng Canaan habang panahon, at ako ang magiging Diyos ninyo.

“Kayo naman ay dapat maging tapat sa ating tipan, ikaw at ang iyong lahi,” sabi pa ng Diyos kay Abraham.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 4-5. 6-7. 8-9

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Ang Poon ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
Siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.

Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab

Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.

MABUTING BALITA
Juan 8, 51-59

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Tandaan niyo: ang namumuhay ayon sa aking aral, kailanma’y di makararanas ng kamatayan.” Sinabi ng mga Judio, “Ngayo’y natitiyak naming inaalihan ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay kahit kailan ang sinumang namumuhay ayon sa iyong aral.

Dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham? Siya’y namatay, gayun din ang mga propeta. Ano ba ang akala mo sa sarili mo?” Sumagot si Hesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, iya’y walang kabuluhan. Ang aking Ama ang nagpaparangal sa akin at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos. Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit siya’y nakikilala ko. Kung sabihin kong hindi ko siya nakikilala, ako’y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit nakikilala ko siya at ginagawa ko ang kanyang sinasabi. Natuwa ang inyong amang si Abraham nang mabatid na makikita niya ang araw ng pagparito ko; nakita nga niya ito at siya’y nagalak.” Dahil dito’y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: bago ipinanganak si Abraham, ‘Ako’y Ako Na.’.” Dumampot sila ng bato upang siya’y batuhin, ngunit nagtago si Hesus at lumabas ng templo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Huwebes

Ilapit natin ang ating mga kahilingan kay Jesus na gumagabay sa atin sa ating pagpupunyagi sa pananampalataya patungo sa Ama.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, dalhin Mo kami sa Ama.

Ang Kaharian ng Diyos nawa’y manatili sa mga puso ng mga kumakalinga sa presensya ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ni Jesus, maipagkaloob nawa sa atin ang kakayahang magpunyagi sa pananampalataya katulad ng ginawa ni Abraham, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang diwa ng ating pananampalataya nawa’y ganap nating maipadama sa pamamagitan ng pagkilos ni Jesus sa ating mga puso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at binabagbag ng mga suliranin nawa’y magpasalamat sa presensya ni Jesus na kanilang kasama sa paglalakbay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat sa Panginoon na namayapa na, ay makarating nawa sa kanilang walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, igawad mo ang aming mga kahilingan at panatilihin ang aming pananampalataya habang kami ay naglalakbay sa buhay upang ang muli nating pagsasama ay mapuspos ng kagalakan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.



truthshop
Shadow
Spiritual Frontliner banner

BE OUR PARTNERS!

ads
ads
ads
2
3
4
previous arrow
next arrow


Subscribe Now to Received Latest News and Blogs

Subscribe to us and receive latest News & Updates in your inbox