11,315 total views
Huwebes sa Ika-3 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Jeremias 7, 23-28
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Lucas 11, 14-23
Thursday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Jeremias 7, 23-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Sinasabi ng Panginoon: “Inutusan ko ang mga tao na sumunod sa akin upang sila’y maging aking bayan at ako naman ang Diyos nila. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at sila’y mapapanuto. Ngunit hindi sila tumalima; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang balang maibigan at lubusang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. Mula nang lumabas sa Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagsugo ng aking mga alipin, ang mga propeta. Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno.
“Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ng Panginoon na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at di man lamang nababanggit.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manunumbalik na lubos.
MABUTING BALITA
Lucas 11, 14-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pinalayas ni Hesus ang isang demonyong sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki, at ito’y nakapagsalita na mula noon. Nanggilalas ang mga tao, ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.
“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi ang ari-ariang inagaw.
“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Huwebes
Habang tayo ay natitipon kay Kristo na nangingibabaw sa lahat ng kasamaan, buong pagtitiwala tayong lumapit sa Ama taglay ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming kaisa ng iyong anak.
Ang Simbahan nawa’y magpanibago at magpatotoo nang tapat sa mga dapat pahalagahan sa buhay at tumulong sa muling pagbubuo ng isang wasak na mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong mananampalataya nawa’y magkaroon ng tapang na mangaral sa ngalan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang buong pusong itaguyod ang pagtatanggol sa katotohanan at salungatin ang malikhaing pang-aakit ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at may kapansanan nawa’y paginhawahin ng pag-ibig ng Diyos na kanilang nararanasan sa pangangalaga ng mga taong kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y tanggapin sa kaganapan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming makapangyarihan, sa paghahandog namin ng mga panalangin, pinasasalamatan ka namin dahil sa iyong Anak na tumubos sa kasalanan at kamatayan, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.