1,927 total views
Huwebes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Juan I, papa at martir
Mga Gawa 18, 1-8
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Juan 16, 16-20
Thursday of the Sixth Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. John I, Pope and Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 1-8
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia, kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at doon na nakitira sapagkat sila’y manggagawa ng tolda, tulad niya. At siya’y tumulong sa kanila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, nakikipagpaliwanagan siya sa sinagoga, at sinikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.
Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Hesus ang Kristo. Nang siya’y salungatin nila at laitin, pinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo’y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayoy’y tutungo ako sa mga Hentil.” Kaya’t umalis siya roon at tumira sa bahay ng isang nagngangalang Ticio Justo, isang taong may takot sa Diyos; karatig ng sinagoga ang kanyang bahay. Si Crispo na tagapamahala ng sinagoga at ang kanyang sambahayan ay sumampalataya sa Panginoon. Sumampalataya rin naman at nagpabinyag ang marami sa mga taga-Corintong nakikinig kay Pablo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
o kaya: Aleluya.
Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.
ALELUYA
Juan 14, 18
Aleluya! Aleluya!
Kayo’y di ko inulila,
babalik akong talaga,
magdudulot ng ligaya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 16, 16-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kayang mga alagad: “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita; at pagkaraan ng kaunting panahon pa, ako’y inyong makikita uli.” Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lang at hindi na natin siya makikita at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita uli? Sabi pa niya’y ‘Sapagkat ako’y paroroon sa Ama.’ Ano kaya ang ibig sabihin ng, ‘kaunting panahon na lamang?’ Hindi natin maunawaan!” Naramdaman ni Hesus na ibig nilang magtanong, kaya’t sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako makikita; at pagkaraan ng kaunting panahonn, ako’y inyong makikita uli. Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes
Inihahandog sa atin ng Diyos ang kanyang lakas sa mga panahon ng pangangailangan. Idalangin natin na lagi tayong umasa sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Gawin Mo kagalakan ang aming kalungkutan, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y buong tapang na magpatotoo at walang takot na magpahayag ng mensahe ni Kristo sa mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nabubuhay sa pangungulila at dalamhati nawa’y makaranas ng nakapagpapaginhawang presensya ng pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nalulungkot o namimighati nawa’y makaunawa sa tunay na kahalagahan ng kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa kanilang kahinaan nawa’y matuklasan ng mga maysakit at may kapansanan ang lakas ni Kristong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nang tapat sa Panginoon nawa’y makatagpo ang Manunubos na nagpakasakit para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming puspos ng kabutihan at pag-ibig, tunghayan mo nang may habag ang iyong bayan dahil sa kanilang mga pagkukulang. Tulungan mo sila sa mga hinaharap nilang pagsubok at hayaan mong lukuban sila ng iyong pag-ibig. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.