4,447 total views
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 18, 6-9
Salmo 32, 1 at 12. 18-19. 20 at 22
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Hebreo 11, 1-2. 8-19
o kaya Hebreo 11, 1-2. 8-12
Lucas 12, 32-48
o kaya Lucas 12, 35-40
Nineteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Karunungan 18, 6-9
Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan
Ang mangyayari sa gabing yaon ay ipinagpauna mong sabihin sa aming mga ninuno,
upang magalak sila sa kaganapan ng iyong mga pangako sa kanila.
Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway.
Ang paraang ginamit mo sa pagpaparusa sa aming mga kaaway
ay siya mo ring ginamit na pantawag sa amin,
upang kami’y bahaginan mo ng iyong kaluwalhatian.
Ang mga tapat na anak ng mabuting bayang ito’y lihim na naghahandog.
Nagkaisa silang sumunod sa mga utos ng Diyos at magsama sa hirap at ginhawa.
Noon pa’y inaawit na nila ang matatandang awit na ito ng papuri.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 1 at 12. 18-19. 20 at 22
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Lahat ng matuwid dapat na magsaya
dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
kayong masunuri’y magpuri sa kanya!
Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtataggutom sila’y binubuhay.
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Ipagkaloob mo na aming makamit,
O Poon, ang iyong wagas na pag-ibig,
yaman ang pag-asa’y sa ‘yo nasasalig!
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.
IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 11, 1-2. 8-19
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula malayo. Kinilala nilang sila’y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayon na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang naaalaala nila’y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon. Ngunit ang hinahangad nila’y isang lungsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya’t hindi ikinahiya ng Diyos na siya’y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lungsod. At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa niyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac. At sa patalinghagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya: Maikling Pagbasa
Hebreo 11, 1-2. 8-12
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita. At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon. Dahil din sa kanyang pananalig, siya’y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos, habang hinihintay niyang maitatag ang lungsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak, sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako. Kaya’t sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 24, 42a. 44
Aleluya! Aleluya!
Tayo ay laging magtanod
sapagkat di natin talos
ang pagbabalik ni Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 32-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at mamigay kayo sa mga dukha! Gumawa kayo ng mga lukbutang hindi naluluma, at mag-impok ng kayamanan sa langit, na hindi nakukulangan sapagkat doo’y walang makakalapit na magnanakaw at walang makapaninirang tanga. Sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan ay naroon din naman ang inyong puso.
“Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Itinanong ni Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” Tumugon ang Panginoon, “Sino nga ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba siya ang pamamahalain ng kanyang panginoon sa sambahayan nito, upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa karampatang panahon? Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun pagbabalik ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sabihin sa sarili ng aliping iyon, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at simulan niyang bugbugin ang ibang aliping lalaki at babae, at kumain, uminom, at maglasing, darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng panginoon, at isasama sa mga di-tapat.
“At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya: Maikling Pagbasa
Lucas 12, 35-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon mula sa kasalan, para pagdating niya ay mabuksan agad ang pinto. Mapalad ang mga alipin na abutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, maghahanda siya, padudulugin sila sa hapag, at maglilingkod sa kanila. Mapapalad sila kung maratnan niya silang handa, dumating man siya ng hatinggabi o madaling-araw siya dumating. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kayo ma’y dapat humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Panawagan ng Panginoo’y tibayan natin ang ating pananalig at patunayan ito sa mga gawa bilang tunay na mga tagasunod niya. Batid ang ating kahinaan, manawagan tayo at humiling ng
kaniyang tulong:
Panginoon, patatagin kami sa pananampalataya!
Para sa Simbahan, ang Esposa ni Kristo: Nawa’y ang pananalig niya sa Panginoong Hesus ay
manatiling inspirasyon para sa lahat at mapatunayan ito sa kawanggawa. Manalangin tayo.
Para sa Santo Papa, mga Obispo, at mga kura paroko: Nawa’y tapat nilang patnubayan ang mga
pinamumunuan sa pamamagitan ng kanilang mga pangaral at halimbawa ng matibay at dalisay
na pananampalataya. Manalangin tayo.
Para sa lahat ng pinanghihinaan ng loob dahil sa masamang halimbawa ng ilang nananampalataya: Nawa’y pagalingin ng Banal na Espiritu ang kanilang mga sugat na pandamdami’t pangkaluluwa at papagningasin sa kanila ang alab ng matatag na pananalig.
Manalangin tayo.
Para sa ating lahat at sa mga mahal natin sa buhay: Nawa’y pahalagahan natin ang ating pananampalatayang Katoliko, pasiglahin ito ng panalangin, at isabuhay ito araw-araw. Manalangin tayo.
Panginoong Hesus, tulutan mong makilala ka nami’t paglingkuran sa aming kapwa hanggang makaharap ka namin sa Kaharian kung saan ka nabubuhay at naghahari magpasa walang hanggan. Amen!