Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Linggo, Agosto 3, 2025

SHARE THE TRUTH

 1,468 total views

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Mangangaral 1, 2; 2, 21-23
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Colosas 3, 1-5. 9-11
Lucas 12, 13-21

Eighteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
St. John Baptiste Marie Vianney Sunday

UNANG PAGBASA
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23

Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral

Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay, sinabi ng Mangangaral.

Lahat ng ginawa ng tao’y pinamuhunanan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay maiiwan lamang sa susunod sa kanya. Ito ma’y walang kabuluhan. Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban. Anumang gawin ng tao’y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.

Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 3, 1-5. 9-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumikatan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.

Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya’t wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya’y sumasalahat.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 5, 3

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 12, 13-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pinaaalalahanan tayo ng Panginoong may kahulugan lamang ang buhay natin kung iniuugnay natin ito sa pananampalataya’t pag-ibig sa kanya. Hilingin natin ito para sa atin at sa buong sangkatauhan:

Bukal ng lahat ng kabutihan, dinggin mo kami.

Nawa’y ang buong Simbahan, sa pamamatnubay ng kanyang mga pinuno, ay laging magbigay ng malinaw na halimbawa ng katapatan sa pagtataguyod sa mga pagpapahalagang makalangit. Manalangin tayo.

Nawa’y maging mabuting halimbawa ang lahat ng magulang at guro sa kanilang mga anak at mag-aaral sa pagtatampok sa mga pagpapahalagang moral at espirituwal. Manalangin tayo.

Nawa’y lahat ng nakaririwasa ay maglaan ng kanilang yaman sa ikatutugon sa mga pangangailangan ng kanilang mahihirap na kapatid. Manalangin tayo.

Para sa lahat ng kaparian: Nawa’y tularan nila ang sipag, kababaang-loob, at kabanalan ni
Juan Maria Vianney, na kanilang patron. Manalangin tayo.

Panginoong Hesus, ikaw lamang ang makapagbibigay-kahulugan at direksiyon sa aming buhay. Tibayan mo ang aming pananalig sa ipinangako mong gantimpalang walang hanggan at tulutan mong maging laging saksi ang aming pag-uugali sa aming pinananaligan. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

LEGISLATIVE HOUSEKEEPING

 33,189 total views

 33,189 total views Senate President Francis Escudero., a master of heist? o isang magaling na hunyango? Kapanalig, ang isang hunyango ay magaling magtango., eksperto sa pag-adopt

Read More »

LEGACY OF CORRUPTION

 51,542 total views

 51,542 total views In St. Paul’s Letter to the Philippians, we find echoes of this lofty ideal: Christ Jesus “emptied himself, taking the form of a

Read More »

Kabiguan sa kabataan

 101,748 total views

 101,748 total views Mga Kapanalig, para sa isang dating artista na minsang gumanap bilang tagapagtaguyod ng katarungan—at bilang bayani pa nga ng bayan—nakapagtataka kung bakit isinusulong

Read More »

THEATRE OF THE ABSURD

 131,685 total views

 131,685 total views “Theater that seeks to represent the absurdity of human existence in a meaningless universe by bizarre or fantastic means”. Kapanalig, ito ang tawag

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Agosto 5, 2025

 203 total views

 203 total views Martes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita sa Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma Mga

Read More »

Lunes, Agosto 4, 2025

 797 total views

 797 total views Paggunita kay San Juan Maria Vianney, pari Mga Bilang 11, 4b-15 Salmo 80, 12-13. 14-15. 16-17 Masigla nating awitan ang D’yos nating kaligtasan.

Read More »

Sabado, Agosto 2, 2025

 2,064 total views

 2,064 total views Sabado ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Eusebio ng Vercelli, obispo o kaya Paggunita kay San Pedro Julian Eymard,

Read More »

Huwebes, Hulyo 31, 2025

 3,294 total views

 3,294 total views Paggunita kay San Ignacio ng Loyola, pari Exodo 40, 16-21. 34-38 Salmo 83, 3. 4. 5-6a at 8a. 11 Ang templo mo’y aking

Read More »

Miyerkules, Hulyo 30, 2025

 3,492 total views

 3,492 total views Miyerkules ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Pedro Crisologo, obispo at pantas ng Simbahan Exodo 34, 29-35 Salmo

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top